Cardona, Rizal

Maraming maraming salamat sa ating mabutihing mayor. Mayor Bernardo San Juan. Nais ko ring batiin ang ating mga konsehal, pinangungunahan ng kanilang presiding officer, Vice Mayor Teodulo Campo. Ang ating mga barangay officials, ang ating mga kasamang lingkod bayan at lahat ng empleyado ng bayan ng Cardona, at lahat po ng iba’t-ibang grupo.

Nais ko ring pasalamatan lahat ng iba’t-ibang grupo na nagpadala ng representative dito. Ang civil society. Andito din ang Cardona Multipurpose Cooperatives. Malaki po ang aking ginagawa bilang pagtulong sa mga kooperatiba. Lagi kaming nag-aaway ni Kim Henares dahil bakit kayo kinukuhanan ng buwis, tax exempt naman kayo. Naghihigpit ang koleksyon nila. Di bale, pagka nagbago na ang administrasyon, maibalik natin sa tamang pagtatakbo ng ating BIR, lalong-lalo na sa mga kooperatiba. Patitibayin po natin ang cooperative movement. Nandito din po ang mga iba’t-ibang womens group, nakalista dito senior citizen pero puro bata pa din kayo. Ano ba ang kinakain niyo dito sa Rizal?

Ako’y nagpapasalamat sa napakainit na pagsalubong binigay niyo po sa akin. Ito na po ang last stop naming sa lalawigan ng Rizal. At dalawang araw na po kaming umiikot sa inyong lalawigan. Nagsimula po kami sa Antipolo. Kanina bumaba kami Cainta hanggang umabot na po kami dito. Sinasabi ko nga sa mga kasamahan ko na galing sa Ilocos Norte, sabi ko sa kanila napapahiya ang probinsya natin dahil parang hindi hometown natin. Parang ang hometown natin ay Rizal na. Kaya nakakataba ng puso na makita na hindi po kayo nakakalimot. Tuloy pa din ang inyong pagmamahal at pagsuporta sa akin at sa pamilyang Marcos. 1986 pa yung sigaw na iyan eh. Nakakatuwa naman na may nakakaalala pa at hindi nakakalimot. Kaya naman po masasabi po natin na ang lalawigan ng Rizal, lalong lalo na ang Cardona, ay hindi natin makakalimutan. Lahat na kayo na nandito ay gagawin ang lahat para tulungan ang bayan ng Rizal.

Ang naging adbokasiya ko at kinakampanya ko bukod po sa aking kandidatura bilang bise presidente, napaguusapan ko ang aking nagiging paninindigan ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Naka ilang taon na tayo mga Pilipino yung mga lider po natin ay pinaghiwahiwalay, pinag-aaway away, nilalagay po tayo sa iba’t-ibang grupo. Iyan po ang nangyayari sa nakaraang ilang taon. Kaya naman po hindi maganda an gating pagtugon sa mga problema ng ating mamamayan. Kaya naman po hanggang ngayon kapag pinaguusapan kung ano yung mga problema, ano yung mga hinaing, ano ang mga pangangailangan, ilang taon na. Nagtataka naman ako bakit kaya na sa galing ng Pilipino, ay hindi natin maayos-ayos ang mga problemang ito? Ang sa aking nakikita, naligaw po tayo dahil tayo’y pinaghahati-hati ng ating mga nakaraan na lider, mga lider na hanggang ngayon pinaghahati-hati tayo sa mga iba’t-ibang mga grupo. Sinasabi pagka hindi kayo magka partido, hindi tayo magkasama. Kami taga riyan, kayo’y taga rito. Hindi po tama yun.

Tayo po’y maraming pinanggalingan. Tayo’y mga Tagalog, Ilokano, may Bisaya, may Muslim, may Kristiyano. Lahat po tayo’y maraming pinanggalingan. Ngunit ang puno’t dulo nitong lahat: tayo ay Pilipino! At walang magmamahal sa Pilipino kundi ang Pilipino din. Wala pong tutulong sa Pilipinas kung hindi ang Pilipino rin. Dapat ibalik natin ang pag-iisip na tayo’y Pilipino’y nagmamahalan, tayo’y nagtutulungan. Tayo’y isang bansa, isang diwa… Aba, naalala niyo?

Iyan po ang aking nakikita na dapat natin bigyan ng pansin: ang pagkakawatak-watak ng ating lipunan. Iyan po ay nagiging sagabal sa ating progreso. Alam niyo naman po na ang galing-galing ng Pilipino. Pero kahit ano ang galing ng Pilipino, pag pinaghati-hati mo at nasa maliit na grupo, wala naman pong mangyayari. Ngunit, pag pinagsama-sama natin ang galing, ang talino, ang sipag ng lahat ng mamamayang Pilipino, mararamdaman po natin ang pagbabago, ang pagaganda para sa ating bayan at para sa buhay ng mga Pilipino!

Kaya po dito saaking pag-iikot, bukod sa aking kandidatura, nais kong isulong ang isang kilusan na pagkakaisa ulit ng sambayanang Pilipino. Nakikita ko po, lagi kong pinapaliwanag, binibigkas ko po ito: sa nakaraang dalawang araw, nakikita ko na nandito sa lalawigan ng Rizal ay nauunawaan ninyo at isinasabuhay ninyo ang pagkakaisa. Kaya tamang-tama siguro na napagusapan natin ang pagkakaisa dito sa bayan ng Cardona, dito sa lalawigan ng Rizal. Dito na natin simulan ang ating sinasabing kilusan na pagkakaisa muli ng sambayanan. Ito ang gagawin nating halimbawa, hindi lamang para sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo. At pagka nangyari po iyan, kapag nasimulan natin ang kilusan na pagkakaisa, maririnig po natin hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo!

Sa ating mga kaibigan na nanggagaling sa mga iba’t-ibang lugar, sasabihin nila “Iyan ang mga Pilipino. Tingnan mo sila nagkakaisa, nagmamahalan, nagtutulungan. Kaya naman ang Pilipino ay taas noo kahit kanino!”

Kaya naman po napakahalaga ng ating pinag-uusapan dapat po ay simulan natin. Ito ang hamon sa atin ng ating kinabukasan. Ito po ang hamon sa atin ng ating mga kabataan, ng ating mga anak, at ng kanilang magiging mga anak. Para pag panahon na sa kanilang paghahanap buhay, na sila na ang nagpapaaral sa kanilang mga anak, na sila na ang sumusuporta sa kanilang pamilya, na sana naman ang naiwan natin sa kanila na Pilipinas ay isang lipunan na ikinukupkop at tinutulungan ang bawat mamamayang Pilipino. Iyan po ang ating hangarin. Iyan po ang ating pinapanalangin.

Sana po sa tuluyan ninyong pagsuporta, sa tuluyan ninyong tulong, at sa tuluyan ninyong walang sawang pagmamahal sa bansang Pilipinas at sa mamamayang Pilipino, itong pangarap po natin ay magiging totoo sa tulong po ninyo. At ito ang ating layunin na magbibigay sa atin ng isang magandang kinabukasan. Ito po ang ating gagawin ngayon. Ang pagkakanditura ay unang hakbang lamang. Itong kilusang pagkakaisa ang siyang magbubuo muli ng Pilipino, siya magdadali ulit ng magandang kabuhayan para sa lahat ng bawat Pilipino. Maraming salamat po! Mabuhay ang bayan ng Cardona! Mabuhay ang lalawigan ng Rizal! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas.

Back to Blog