Campus tour at University of Caloocan City

Sa mga mag-aaral at sa lahat ng bumubuo ng University of Caloocan City, magandang umaga po sa inyong lahat!

Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap!

Unang-una sa lahat, sa mga estudyante, huwag po sana kayong mag-aalala o kabahan. Wala pong anumang quiz o pagsusulit ang maghihintay sa inyo sa inyong mga klase dahil sa inyong pagpunta dito sa forum!

Alam ninyo, pangalawa ko na itong pagbisita sa UCC. Ang una ay doon sa main campus, noong ako ay inanyayahan ng Political Science Department last year upang talakayin ang BBL o ang Bangsamoro Basic Law.

Ngayon, iba namang klaseng BBL: “Bahala na, Basta Lahat ng mahalagang puwedeng pag-usapan sa buhay ng Pilipino!”

Sa apat na buwan—saktong isangdaan at labing-dalawang (112) araw—magkakaroon na naman tayo ng pambansang halalan, kung saan magtutungo tayo sa ating mga piling pampublikong paaralan upang bumoto.

Marami sa inyo ang nasa tama nang edad, naka-rehistro at nakapag-biometrics na sa Comelec, upang makalahok at makaboto na sa halalang ito.

‘Yung iba ay maaaring “EXCITED”, ‘yung iba naman ay maaaring “WALANG PAKÉ”. Ang iba naman siguro ay “KEBS” o “KERI LANG”.

Minabuti kong makabisita sa inyo rito sa inyong paaralan upang makatulong sa inyo upang maintindihan ang kahalagahan ng pagsali at partisipasyon ninyo sa halalan ngayong taon.

Alam naman nating lahat na napakaraming mga PROBLEMA ng ating bansa. ‘Ika nga: hindi na kailangan pang “i-memorize” ‘yan!

Mahirap talaga ang buhay, kung kaya naman bilang mamamayan—lalo na kayong kabataan na magmamana ng ating lipunan mula sa aming mga “Thunders”—gusto nating tiyakin na sa bawat tatlo (3) at anim (6) na taon, nabibigyan tayo ng pagkakataon na mamili ng ating mga bagong pinuno sa ating patuloy na paghahanap ng mga solusyon sa ating mga problema sa lipunan.

At siyempre, mahalaga at mainam na marinig ang inyong “BOSES” sa pamahalaan at maipahayag ang inyong mga saloobin at pananaw tungkol sa pagsasaayos ng ating lipunan, sa pamamagitan ng paghalal ng mga opisyal na sa tingin ninyo ay may kakayahan, may mabuting-loob, maaasahan, at mapagkakatiwalaan upang maisakatuparan ang inyong mga hangarin. At, higit sa lahat, ‘yung siguradong mangangalaga sa kapakanan ng bawat Pilipino.

Bilang mga estudyante sa kolehiyo, napakahalaga nitong pambansang gawain at responsibilidad na ito sa darating na Mayo. Sobrang halaga, lalo na’t malapit na rin kayong sumabak sa “tunay na mundo”—ang “eskuwelahan ng buhay” sa labas ng inyong paaralan. Seryosohan na ito. Totohanan na ang mga problema. Kailangan nang tumulong sa magulang at sa pamilya. Kailangan nang tumayo sa sariling mga paa. Kailangan nang itaguyod ang sariling kinabukasan.

At siyempre, gusto ninyong makasiguro na ang “tunay na mundo” na inyong aabutan sa labas ay LIGTAS, MAAYOS, MAGINHAWA, PATAS at MAKATARUNGAN. Para naman sa inyong paglabas, alam ninyo na kayo ay may magandang laban at may sapat na oportunidad. Inaasahan ninyo ang mga halal na opisyal ng bayan na siguruhin ang inyong kapakanan, at tiyakin na hindi kayo mapapabayaan at maiiwang mag-isa sa dilim at sa ere.

Pagkatapos ninyo ng kolehiyo, halos “automatic” na sa lahat na agad nang maghahanap ng trabaho. Ano ang naghihintay sa inyo sa labas?

Mataas ang kriminalidad. Laganap ang droga. Kaliwa’t kanan ang bentahan at paggamit ng shabu.

Mataas ang “unemployment rate” ng bansa. Nasa 9.3% ang walang trabaho sa Metro Manila. Tapos, kapag makakakuha man ng trabaho, mababa na nga ang pasuweldo, “contractual” pa ang status! Ang mga empleyado, walang kasiguruhan sa trabaho. Takot na takot sa pagdating ng tinatawag na “ENDO” of “end-of-contract”. Tapos, marami pang inaabuso, hindi binibigyan ng sapat na “rest days”, hindi binabayaran ng “overtime pay”, at hindi rin binibigyan ng 13th month pay, at SSS, PhilHealth, Pag-IBIG benefits.

Tapos, ang suweldo ng manggagawa, HIHIGUPIN pa ng ating magaling na BIR sa pamamagitan ng buwis! Walang kalaban-laban ang taumbayan!

At hindi pa tapos ang kalbaryo! Sa biyahe papunta at pauwi sa trabaho, TRAPIK ang mararanasan araw-araw. Maging sa daan sa ilalim, at pati na rin sa ibabaw; jeep o bus man ang inyong sasakyan, o MRT man—parehong trapik ang aabutin! Sa MRT pa nga ay kakaiba, dahil ang pila ng mga pasahero ang trapik! Tapos, dagdag pa rito, LASPAG at SIRA-SIRA ang mga tren nito. Halos araw-araw, palaging nasisiraan.

Ang akala natin noon, kaya tayo sumasakay ng MRT ay para mapabilis ang biyahe. Ngayon, iba na. Pagod ka na sa pag-akyat sa istasyon (siyempre, sira ang elevator), mahaba at balyahan pa sa pila. Para ka pang si Spiderman sa loob ng tren kung ika’y makakapit sa kisame! Tapos, ang tren mismo, kundi tumitirik ay sobrang bagal ng takbo. Ang pinakamasklap dito, nagmahal pang lalo ang pamasahe!

Sobrang mahal na rin ang lupa at pabahay. Lahat ay naging “prime lots” na rito sa Metro Manila! Sangkatutak nga ang mga condominium na nagtayuan na parang kabute, ngunit milyon-milyon naman ang presyuhan. Marami sa mga ordinaryong residente ng Metro Manila ang abala sa paghahanap ng murang mauupahan, at ang iba pa nga ay nagiging “informal settlers” na lamang.

At Metro Manila pa lang ang pinag-uusapan natin. Hindi pa natin isinasama ang mga problema sa ibang lugar, sa ibang probinsya.

Napakarami talaga ng mga problema ng bansa! Mapapa-iling ka talaga at mapapakamot ng ulo! Ano ang nangyayari sa atin?!

Ano ang maitutulong ng mga pulitiko?! PAG-ASA ba talaga sila, o pawang PABIGAT lamang sa bayan?!

Hamon sa mga kabataan at sa buong bayan ang tiyakin na ang iluluklok natin sa pamahalaan ay ang mga sigurado at maaasahan. Mga lingkod-bayan na MULAT sa mga problemang ito ng taumbayan at magiging SERYOSO sa paglulutas ng mga ito. Hindi ‘yung mga tipong pangiti-ngiti lang, papungay-pungay ng mata, pa-cute at pa-artista-effect lang, at walang ibang gagawin kundi ipakita lang sa taumbayan ang kanyang “dimple”!

Hindi si Alden Richards ang tinutukoy ko! Siya ay taga-showbiz at hindi naman namumulitika!

Pero talaga lang, pogi naman talaga siya. Wala akong masabi. Suko talaga ako! Lamang na lamang siya ng maraming paligo kaysa sa akin!

Ang magaling na pinuno ay ang nakaka-intinding mabuti sa mga SULIRANIN ng lipunan at sa mga KALBARYO na dinaranas ng taumbayan, lalo na ng mga mahihirap, ng “masa” at ng mga simpleng mamamayan.

Dapat bukod sa may malasakit sa taumbayan at malinis na hangarin, siya dapat ay may malawak na karanasan, mataas na kaalaman at may maayos na plano. Tapos, dapat siya ay may kakayahan at may epektibong paraan at istratehiya kung paano maipapatupad ang kanyang mga plano.

Hindi ‘yung walang sapat na karanasan, dahil baka pagpapraktisan lamang niya ang pamahalaan at ang taumbayan. Sayang naman ang ilang taong paninilbihan kung pagpapraktisan lamang niya ito! Lalabas ay para lamang siyang “on-the-job trainee” o “OJT” sa pamahalaan!

Mahalaga rin ang kanyang kakayahan na MAIPAGKAISA ang buong bansa. ‘Yung magaling sa GAWA, at hindi sa puro-“NGAWA”. ‘Yung may tunay na MALASAKIT at RESPONSABLE, at hindi ‘yung palaging nakakasakit sa kanyang mga gawa at mga pananalita.

Hindi ‘yung magaling lamang manisi ng iba at magturo ng pagkakamali at kahinaan ng iba. Hindi ‘yung ang tingin sa sarili ay SIYA LAMANG ANG TAMA, SIYA LAMANG ANG MABUTI, SIYA LAMANG ANG MAGALING, HINDI RAW NAGKAKAMALI AT HINDI UMAAMIN NG PAGKAKAMALI.

Wala namang taong perpekto. At mas lalo namang walang perpektong opisyal ng pamahalaan! Ngunit, ilang beses na nating nakikita sa ating pamahalaan ngayon ang ganitong mga hindi magagandang katangian?

Kaya ang aking punterya lamang ay kung gusto talaga natin ng tunay na SOLUSYON sa mga suliranin ng ating bansa, ng tunay na PAGBABAGO sa ating lipunan, kailangan nating gamiting mabuti ang ating KARAPATAN at BOSES bilang mga mamamayan at mga botanteng Pilipino!

Kaya naman, napakatindi ng inyong RESPONSIBILIDAD sa darating na Mayo!

‘Ika nga ng ating pinagmamalaki sa buong kalawakan, ang ating magaling at listong-listo, at tunay at orihinal na Miss Universe 2015 na si Pia Alonzo Wurtzbach—

Hindi ‘yung: “HELLO?! THAT’S SUPPOSED TO BE ME, STEVE HARVEY!”

Hindi rin ‘yung: “AKIN NA ‘YANG KORONANG ‘YAN, BESTIE!”

At mas lalong hindi ang kanyang mga pahayag na pro-American military bases.

Ito ay tungkol sa kanyang “winning answer”—

Being a Filipino voter is “both an HONOR and RESPONSIBILITY”!

Bilang pagtatapos, pag-igihan at seryosohing mabuti ang pag-aaral, at huwag natin itong bale-walain! Bigyan ng kahalagahan ang serbisyo na alay ng inyong mahal na Lungsod ng Caloocan. Alang-alang ito hindi lamang sa inyong mga sarili at inyong pamilya, kundi na rin sa inyong mga libu-libong kapwa-residente sa inyong Lungsod, na sama-samang nagsusumikap para makatulong na masuportahan at mapondohan ang ating University—siyempre sa pamumuno ng inyong mahal na Punong Lungsod!

Then, with hardwork, and aided by good fortune, you will become productive citizens in the near future, and be able to give back to your City in the form of taxes, which shall then be used to pay forward and further support the education of future batches of students residing in your beloved City.

With focus and determination, prepare yourselves to be the best that you can be, and arm yourselves with the necessary skills needed to survive in our society today. Learn by heart our civil and political rights under the Constitution and our existing laws, especially our labor laws. And then brace yourselves as you head out to face the challenges presented by life in Philippine society.

Kung kayo ay maghahandang mabuti sa loob ng paaralan, nakatitiyak ako na magiging mas malakas ang laban ninyo at mas mataas ang inyong tsansa at pag-asa na magtagumpay!

Kaya uulitin ko, magsumikap at mag-aral kayong mabuti! Make the most out of your precious education!

Hanggang dito na lamang po. Tunay na isang malaking karangalan ang makasama at makausap kayo ngayong umaga, mga mahal kong mga mag-aaral ng UCC!

Hanggang sa susunod nating pagkikita, lalo na sa mga susunod na buwan. ‘Ika nga: “SA TAMANG PANAHON”! Taimtim na dalangin at hiling ko po ang inyong tiwala at suporta. Kayo na ang bahala sa akin!

Ako ay todo-suporta at magsusulong sa anumang hakbang at programa ng gobyerno na makakapagpadali at makakapagpaginhawa sa buhay ng ating mga kababayan. Buhay na mapayapa, matiwasay at nakaluluwag.

At pinakamahalaga, malinis ang aking konsiyensiya at hangarin sa bayan. Makakaasa kayo diyan. Iyan po ang aking adbokasiya at prayoridad sa aking paninilbihan sa Senado. Makakaasa po kayo na ito pa rin ay aking ipagpapatuloy—siyempre, sa pamamagitan ng inyong taos-pusong tiwala at walang-sawang pagsuporta sa akin.

Mabuhay ang University of Caloocan City!

Maraming salamat, magandang umaga, at pagpalain kayong lahat ng Maykapal!

Back to Blog