Campus tour at Isabela State University

Magandang umaga sa inyong lahat! Naimbag nga bigat kadakayo amin!

Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap sa akin.

Nagpapasalamat ako kay Governor Bojie Dy sa pag-anyaya sa akin dito sa Isabela, upang masaksihan ang pagbubukas ng 2016 Student Festival ng ISU.

Graduation ng Batch 2015 noong huli akong pumunta rito. Nagdiriwang din noon ang mga nagsipagtapos, kasama ang kanilang mga magulang at mga pangalawang magulang sa paaralan.

Nakakatuwa na sa pagbisita kong muli rito sa ISU, isa na namang pagdiriwang ng mga estudyante ang aking nasasaksihan.

Ito ay isa sa mangilan-ngilang pagkakataon sa buhay ng estudyante kung saan pwede kang magpa-banjing-banjing, pero alam mong hindi ka nagpapabaya—dahil official activity ito ng Unibersidad. May pasok at may checking of attendance, pero walang klase at hindi mo kailangang mag-aral. Kumbaga, “ceasefire” muna sa pagitan ng mga estudyante at kanilang mga propesor!

Hindi naman tama na palagi lang dapat seryoso paaralan. Hindi naman puwedeng palagi lamang nagsusunog ng kilay, o ‘di kaya ay nangangatog sa takot sa istriktong propesor. Paminsan-minsan, kailangan din namang mag-relax at mag-enjoy ng mga estudyante!

Kailangan ito sa buhay ng estudyante, lalo na kung gusto natin silang lumaki na balanse ang kanilang buhay at kanilang pagkatao. Ganyan talaga ang buhay. May panahon para tumawa; may panahon para mag-enjoy.

At tutal tayo naman ay nasa magaan at magandang mood sa pagbubukas ng Student Festival ngayong umaga, pahintulutan ninyo sana ako na ihain sa inyo ang aking kandidatura bilang Bise-Presidente ng ating bansa sa halalan ngayong 2016.

Kumbaga sa tema ng ISU, it’s also more “F.U.N.” to bet on me as your next Vice-President. Like the entire ISU community, I am also for “Friendship, Unity and Nationalism”.

Malinis at maganda ang aking hangarin para sa buong bayan, upang maabot at makamit pa ang mas matataas nating mga pangarap at kaunlaran bilang isang nagkakaisang bansa!

Hangarin ko na magpatuloy pa sa aking pagsilbi at paglingkod sa bayan bilang inyong susunod na Bise-Presidente. Kaya po hinihiling ko ang inyong suporta, lalo na sa inyo na mga nakapagrehistro bilang botante, siyempre, kasama na rin ang inyong magulang, mga kapatid at mga kaanak. Tulungan ninyo sana ako na mapalaganap sa buong Isabela at sa buong bansa ang aking apela para sa inyong tiwala at suporta.

At bago ako magpaalam sa inyo, nais ko lang magbahagi sa inyo ang ilang mga natutunan ko sa aking Presidential running mate na si Senador Miriam Defensor-Santiago—na gusto rin kayong batiin sa okasyon ng inyong Student Festival ngayong umaga. Ito ay ‘yung mga tinatawag na “pick-up lines” o “hugot lines”. Ilang beses na kaming nagsasama sa mga kampanya, at natuto na rin ako nang konti sa kanyang mga istilo.

Student festival ka ba?

Kasi, na-e-excite ako at hindi ako makapag-aral sa tuwing dumarating ka!

“I.S.U.” ka ba?

Kasi if you make ME a part of you, parang “I MIS U” na…

At ang huli—

Si Gov ka ba?

Kasi DY kami, at DY kami makapapayag na mawala ka sa buhay namin!

Pasensya na po kayong lahat. Sadyang mas magaling talaga si Senadora Miriam pagdating sa mga pick-up lines na ito!

Sana ay maging matagumpay at sana ay mag-enjoy ang lahat ngayong 2016 Student Festival ng ISU!

Bongbong Marcos po, humihingi ng inyong tiwala at suporta sa aking kandidatura bilang Bise-Presidente ng ating Republika ng Pilipinas!

Samahan ninyo sana ako. Inaanyayahan ko kayo sa aking website: www.bongbongmarcos.com, upang mas lalo pa ninyo akong makilala!

Maraming salamat sa inyo, mga mag-aaral ng ISU!
Salamat sa inyong pagkumbida at pagtanggap sa akin dito sa lalawigan ng Isabela!

Hanggang sa ating muling pagkikita! Para sa ating pagkakaisa!

Magandang umaga sa inyong lahat! Pagpalain kayong lahat ng Maykapal!

Dios ti agngina kadakayo amin!

Back to Blog