Cainta, Rizal Municipal Hall

Maraming, maraming salamat sa ating mabuting mayor, Mayor Kit Nieto, sa kanyang napakagandang paalala sa mga panahon noong nararamdaman po natin yung serbisyong gobyerno noon. Kaya sana parating naman ang panahon na babalik po tayo sa ganyang klaseng lingkod bayan ng mga nakaupo sa mga mataas na posisyon. Nais ko ring batiin ang ating Vice Mayor Pia Velasco. Nandiyan din po ang dating mayor, dating gubernador, former Vice Governor Ben Felix na kung anuman po ang nakarating dito, ay siya po’t kasama po ng aking magulang na nagtratrabaho para sa serbisyo, hindi lamang sa bayan ng Cainta, kung hindi sa buong lalawigan ng Rizal. Ang ating mga councilors, mga barangay officials, mga barangay chairman, yung department heads at mga empleyado ng bayan ng Cainta. Lahat ata ng mga grupo sa Cainta nandito na, kasama na natin sa umagang ito.

Maraming, maraming salamat at magandang umaga po sa inyong lahat! Napakagandang umaga po sa inyong lahat! Kahit makulimlim, ay naramdaman ko po at napakainit ng inyong ibinigay na salubong sa akin. Talaga naman hindi ko akalain na magiging ganito ang salubong ko. Akala ko magkakape lang kami ni Mayor eh. Nandito naman pala kayong lahat. Naku, maraming salamat sa inyong pagdating. Maraming salamat sa inyong pagsalubong.

Mahirap masanay dito, Mayor. Pagka pupunta ako sa ibang lugar, hindi na ganito…masama na ang loob ko. Magtatampo na ako. Mahal ko kayong lahat! Akala ko mula doon sa sasakyan, hindi na ako aabot sa munisipyo eh dahil pagdating ko doon sa taas, halos nahubaran na ako ng shirt! Pag baba ko yung aking shirt, para akong nagahasa. Di bale madami naman din akong naka lips-to-lips. Puro lalaki.

Alam niyo po, nakakatuwa po talaga, halos hindi na ako makapagsalita sa tuwa dahil hindi ko po talaga akalain na ganito ang ibibigay niyo na pagsalubong sa akin. *crowd cheers* Mapapahiya po ang mga salubong na ibinibigay sa akin sa Ilocos Norte. Sa Norte eh sasabihin ko, luma kayo ng Cainta. Naluma yung mga Ilocano sa mga Tagalog.

Ako po’y nagpapasalamat, lalong-lalo na sa ating mabuting mayor. Alam niyo po ba na siya ay nagtrabaho sa isang malapit na adviser ng aking ama, na naging abogado ng Pangulo, si Justice Lolong Lazaro. Siya’y nandiyan ng 12 years, 18 years na natratrabaho kaya pati kami, naging abogado na rin namin siya. Pero second generation na ito dahil ang kanyang magulang ay nagtrabaho naman sa palasyo. Kung kayo’y nakapunta sa palasyo, ang aming clinic doon ay doon sa bandang gate po sa may St. Jude. Doon sila natratrabaho ng matagal, kaya naman po para na rin akong umuwi at bumalik sa ating mga dating kaibigan.

Alam niyo po, sa aking pag-iikot, sa pagtitipon-tipon sa ating mga kababayan, ay lagi kong sinisigaw at ginagawang adbokasiya ang pagkakaisa. Ngunit pinapaliwanag ko, kung bakit sa aking pananaw, pagkakaisa ang ating kailangan na kailangan dahil sa nakaraan na ilang taon, sa nakaraaang ilang administrasyon, ang ilan sa ating mga lider, imbes na tayo ay pinagkakaisa, tayo’y pinagaaway-away at ginagawa lamang ito dahil lamang sa pulitika. Dahil lang sa sariling kapakanan. Para tulungan ang kanilang partido, ang kanilang mga kaalyado. At nakakalimutan nila ang serbisyo publiko.

Kaya kayo mga lingkod bayan, alam ninyo ang pangangailangan ng taumbayan at ito’y kailangan natin bigyan pansin – yung mga isyu, yung mga problema, yung mga pagkukulang ng pamahalaan. Dahil kawawa naman at dapat natin tulungan. Tayo’y sumumpa bilang mga opisyal. Tayo’y sumumpa na walang gagawin kung hindi isipin at trabahuin at magtiyaga para pagandahin ang Pilipinas para po pagandahin ang buhay ng ating mga kababayan.

Marami po tayong naririnig na mga hinaing na mga problema ng mga kung anu-ano pang pangangailangan ng taumbayan. At nakikita po natin na nabanggit na ng ating mayor. Mayroon namang mga solusyon. Mayroon tayong nakikita na bigyan ng pamamaraan iyang mga problemang iyan na kahit papaano maging mas maganda ang sitwasyon para sa ating mga kababayan. Ngunit, kung hindi po tayo nagkakaisa, ay palagay ko hindi natin magagawa ang lahat ng ating dapat gawin para pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya naging adbokasiya ko po ang pagkakaisa muli ng sambayanang Pilipino dahil po, sa aking pananaw, itong lahat ng mga solusyon na aking sinasabi ay nakahati-hati sa iba’t-ibang grupo, ang sinasabi “Kami, nandito kami. Kayo, nandiyan kayo sa kabila. Nandiyan partido namin. Hindi kayo kasama dito.” Pagka ganyan po, naghati-hati tayo, iisa lang tayo, kakaunti lang ang magagawa natin para tumulong sa taumbayan. Kailangan po ipagsama-sama po ulit natin lahat ng kakayahan, lahat ng magagaling, lahat ng sipag, lahat ng talino ng bawat Pilipino para pagandahin po ang Pilipinas, para tulungan po ang ating mga kababayan.

Ito po ang adbokasiya ko at pinag-uusapan ang pagkakaisa. Ngunit, pagpasok pa lang sa Cainta, ano ang sumalubong sa akin? One Cainta! Ano ang sinabi sa atin ng ating alkalde? Unopposed dahil kayo ay nagkakaisa sa bayan ng Cainta sa ating butihing Mayor Kit Nieto kaya po nasasabi ko na tayo ay magsimula ng isang kilusang upang ipagkaisa ulit ang Pilipino! Ibalik sa pag-iisip, hindi lamang ng taumbayan, kung hindi sa ating mga lider na wala pong magmamahal sa Pilipino kung hindi tayo mga Pilipino rin. Wala pong tutulong na gaganda ang Pilipinas kung hindi ang Pilipino rin.

Kaya naman po kailangan nating magkaisa, magtulungan, magkapit bisig, na masabi natin, na maipakita natin na tayo ay isang bansa, may isang diwa at isa ang gawa. At kapag natuloy po. Ito pong aking binabanggit na kilusan, na pagkakaisa, pagka nasimulan po natin ito, ay maririnig po natin, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, sa ating mga kaibigan na nanggagaling sa iba’t-ibang lugar; ang sasabihin nila “Iyan ang mga Pilipino. Sila’y nagkakaisa. Sila ay nagtutulungan. SIla ay nagmamahalan. Kaya naman ang mga Pilipino ay taas-noo kahit kanino.” Ibalik po natin ang pagmamalaki ng bawat Pilipino ng kanyang pagka-Pilipino!

Iyan po ang aking nakikita. Iyan po ang nakikitang hamon sa atin ng ating kinabukasan. Hamon po sa ating ng mga kabataan, ng ating mga anak at ang kanilang magiging mga anak na sana naman pagka dating ng araw na sila ang mga bata ngayon ay sila na ang naghahanap buhay; sila na ang nagpapaaral ng kanilang mga anak; sila na ang sumusuporta sa kanilang pamilya. Sana naman ang maiwan po natin na Pilipinas sa kanila ay isang lipunan na nagmamahalan na nagtutulungan na inaalala an gating mga kababayan. Iyan po ang hamon sa atin na hindi po maaaring mabigo ang hamon na iyan dahil iyan ang bibigay sa kanila ng isang maliwanag, maganda na kinabukasan. Iyan po ang aking hangarin. Iyan po ang aking pangarap. Iyan po ang aking pinapanalangin na mabalik dito sa Pilipinas.

Sa tulong ninyo, sa suporta po ninyo, dito po natin simulan dahil nauunawaan ng mga taga-Cainta, nauunawaan ng mga taga lalawigan ng Rizal ang pagkakahalaga ng pagkakaisa. Kaya dito po natin simulan itong ating kilusan na pagkakaisa. Simulan po natin dito sa bayan ng Cainta! Simulan po natin dito sa lalawigan ng Rizal! *crowd cheers* Sa tulong po ninyo, sa suporta po ninyo, sa inyong walang sawang pagmamahal sa Pilipinas at sa inyong kapwang Pilipino, ito pong mga pangarap natin, ito pong ating paninindigan ay gagawin po nating totoo. Gagawin po nating mas magandang kinabukasan para sa ating mga minamahal na kapwa Pilipino.

Kaya dito po, sinimulan natin sa lalawigan ng Rizal, sa bayan ng Cainta ipagpatuloy po natin ang ating kilusan sa buong bansa na maramdaman ulit. Ito po ang nakikita kong paraan, ang pagkakaisa ang tanging paraan na nakikita ko para maramdaman ulit ng ating mga kababayan, maramdamn ulit ng Pilipinas ang isang progresibong bukas. Iyan po ang ating hangarin. Sana po samahan ninyo ako, tulungan po ninyo akong ibalik ang pagmamalaki ng bawat Pilipino sa inyong pagka Pilipino. Sa tulong po ninyo, ito po’y gagawin natin bilang inyong lingkod bayan, bilang mamamayang Pilipino ay nagawa po natin ang lahat para tulungan an gating bansa, para tulungan ang ating mga mahal na kababayan. Samahan po ninyo ako! Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat! Magandang umaga po! Mabuhay ang bayan ng Cainta! Mabuhay ang lalawigan ng Rizal! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas! Maraming, maraming salamat po!

Back to Blog