Buong pwersa ng mga punong barangay ng Olongapo City sumalubong kay Sen. Marcos

Dumagsa lahat ng mga barangay chairman ng Olongapo City para salubungin ang kandidato bilang bise presidente na si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. nang dumalaw nitong Martes ang “Unity Caravan” ng senador sa lungsod.

Nagpunta si Marcos sa Olongapo bilang isa sa mga guest speaker sa Radyo Inquirer Issues Forum na ginanap sa naturang lungsod tungkol sa problema ng sektor ng paggawa sa bansa.

Pagkatapos ng forum nagkaroon ng lunch meeting si Marcos sa mga barangay chairman ng lungsod at lahat ng pinuno sa 17 barangay ng syudad ay dumalo. Kasama rin sa naturang pulong si Olongapo City Mayor Rolen Paulino.

“Nagpapasalamat ako sa ating mga barangay chairman na nagpaunlak sa ating imbitasyon para makausap sila para na rin marinig kung ano ang kanilang mga concerns at tuloy maipaliwanag ko na rin ang aking plataporma at kampanya para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino,” ani Marcos.

Kabilang sa mga tinalakay ni Marcos sa naturang pulong ay ang kanyang mga ginawa sa Senado para maisulong ang interes ng mga local government units.

Partikular na ini-report ni Marcos sa mga barangay chairman ang pagpasa sa Senado ng kanyang Barangay Retirement Benefits Bill na magbibigay ng benepisyong aabot mula P100,000 hanggang P50,000 sa mga kwalipikadong halal na opisyal at volunteer workers ng barangay.

Nagpasalamat din ang senador sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga empleyado ng city hall at mga residente ng lungsod na dinumog siya para makamayan o magpa-selfie nang magtungo siya dito para magbigay ng courtesy call kay Mayor Paulino.

“Buong pagmamalaki ko pong sinalubong ang ating vice president. Isang karangalan po na ang isang mayor ng maliit na siyudad ay mabisita ng ating vice president,” ani Mayor Paulino sa kanyang panghuling pananalita sa ginanap na forum.

Nagpaalala din si Mayor Paulino sa mga residente ng Olongapo na mag-isip na mabuti sa kanilang desisyon para sa kanilang iboboto sa darating na halalan sa Mayo dahil nasa kanilang kamay ang kinabukasan ng bansa.

“Wag po tayong magkakamali. May mga pagkakataong nagkamali na. I hope itama natin yung mga dapat itama,” aniya.

Nataon na sa pagdalaw ni Marcos sa Olongapo lumabas din ang mga ulat na naungusan na niya ang mga karibal bilang bise presidente ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia. Naniniwala si Marcos na ito ay dahil sa tanggap ng mga tao ang kanyang mensahe para sa pagkakaisa ng Pilipino.

Back to Blog