Si P-Noy na lang ang naniniwalang hindi maluho si PNP Chief Alan Purisima

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarNakinig tayo kahapon sa hearing sa Senado tungkol sa mga akusasyon laban kay PNP Chief Alan Purisima at hindi natin naiwasang mapangiwi sa bawat bitaw niya ng salita habang kumakain tayo at umiinom ng iced tea ay kasama nating napapangiwi ang ilang mga kaibigan nating Ilokanong pulis.

Simple ang mga tanong, ngunit, kumplikado ang mga sagot. Umamin si Purisima na tinganggap niya ang donasyong mahigit 11 milyong piso para pagandahi ang kanyang quarters sa Kampo Crame pero hindi man lang sumagi sa isipan niyang pondohan ang pagpapagawa ng luma at naghihingalong PNP Hospital.

Nang tanungin si Purisima kung paano niya nabili ang Toyota Prado na nagkakahalaga ng 4 milyong piso, gayung P100,000 lamang ang kanyang buwanang sweldo ay sinabi nitong P1.7 milyon lang ang binayad niya sa kanyang kaibigang car dealer.

Ganundin siguro ang paraan niya nang makuha ang apat na ektaryang lupain niya sa Nueva Ecija, and Land Cruiser at kung anu-ano pa. Bilib tayo kay Purisima, isipin mong maka-jackpot ng Prado na may diskuwentng 2.3 milyong piso!

Simple ang isyung ito mga kababayan, huwag palinlang na ito ay kung iligal ba ang pagtanggap ni Purisima ng donasyon o diskuwento?

Ito mga kabayan ay isyu ng magandang gawi o tamang asal ng isa pinuno. Ito ay tungkol sa kapurihan ng kapulisan na ngayon ay labis na nabahiran sanhi ng baluktot na halimbawa.

Sa panahong ginagapi tayo ng mga grupong kriminal kung saan nakaririnig tayo ng mga kabahayang pinapasok ng mga masasamang-loob at pinapatay ang kanilang mga biktima ay wala tayong masasandalan kundi an gating mga kapulisan na karamihan ay tapat naman at nais pagbutihin ang kanilang mga trabaho.

‘Yun nga lang at heto sa bawat bayan at siyudad ay halos walang magamit na sasakyan ang mga imbestigador, walang sapat na magandang tirahan ang mga patrolman at mayroong ‘di makapag-aral na anak ng isang tinyente dahil sa kakulangan sa suweldo. Makaririnig tayo ng isang pinunong nakatira sa palasyo at gumagamit ng mga marangyang sasakyan.

Noong isang lingo, nagpalabas ng kalatas ang PNP na ineenganyo ang hanay ng kapulisan na mamuhay ng simple. Matagal nang simpleng pamumuhay ang ginagawa ng kapulisan at matagal na ring nasa karangyaan ang mga matataas na poisyal ng PNP.

Ibig sabihin ni Purisima, karapatan niyang mamuhay ng marangya bilang kabyaran sa kanyang tapat na paninilbihan sa mga “may kapangyarihan”? Kabayaran ba ito sa pagiging kaibigan ng pangulo?

Nagtaka tayo sa pahayag ng pangulo na sa pagkakakilala niya kay Purisima, ito raw ay hindi maluho. Para sa kanya, ano bang maluho sa pagkakaroon ng Prado o Land Cruiser o tumira sa isang palasyo?

Lalo tayong napangiwi nang sabihin ni Purisima na ang mga akusasyong ito ay benggansa raw sa kanyang pagbuwag sa dahilan nang nakikinabang sa katiwalian sa loob ng PNP.

Mayroong kasabihan tayong mga Pilipino, ang sakit ng ngipin ay sakit ng buong kalamnan. Parang sakit sa ngipin itong si Purisima ngayon sa pamahalaan.

Parang winasak ni Purisima ang anumang natitirang bahid ng tiwala ng publiko sa kapulisan. Msama ito sapagkat bahagi ang publiko sa epektibong pagsugpo ng kriminalidad.

Paano pa magtitiwala ang publiko sa katapatan sa serbisyo ng ating mga kapulisan kung ang pinuno ng organisasyon ay siya mismong gumagawa ng mga aksiyong nakapangingiwi dahil tiwali?

Sa ganang atin, mas mataas na tungkulin para sa bayan ang paninilbihan ng tapat at walang dungis. Tiwala lamang ng mamamayan ang sandigan ng kapangyarihan. Kung wala nang tiwala, bakit palilinlang na mayroon pang kapangyarihan?

This article was published in Bulgar on 2 October 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog