Brgy. Officials at volunteer workers dapat magkaisa para maging batas ang barangay retirement benefits bill

Hinimok ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mga barangay officials at volunteer workers na gamitin ang kanilang pwersa para maging ganap na batas ang kanyang panukalang Barangay Retirement Benefits.

Sa kanyang mensahe sa 11th Barangay Health Workers District Congress sa Alaminos City sa Pangasinan, sinabi ni Marcos na bagamat naipasa na ng Senado sa third reading ang naturang panukala, kailangan pa ring maipasa ito ng Lower House.

Sa ilalim ng panukala lahat ng kwalipikadong barangay chairman na magretetiro ay tatanggap ng P100,000, P80,000 para sa bawat miyembro ng Sangguniang Barangay, at P50,000 para sa barangay treasurer , secretary, tanod, miyembro ng Lupon ng Tagapamayapa, at barangay health at day care workers.

“Ngayon ay panahon ng kampanya, palapit tayo sa halalan. Lahat ng kandidato lalapit sa inyo, sasabihin patulong naman, hihingin ang suporta ninyo. Siguro hindi naman mahirap na ang kapalit ay suportahan nila yung inyong barangay retirement benefits bill,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos ginawa niya ang panukalang batas para mabigyan ng pagkilala ang mahalagang papel ng mga barangay official at mga volunteer workers hindi lamang sa pamamahala kundi pati sa pagdadala ng serbisyo sa mga tao.

Dahil sa honoraria lamang at hindi sweldo ang tinatanggap ng mga barangay officials at workers hindi sila kwalipikado sa mga benepisyo sa ilalim ng Government Service Insurance System, ani Marcos.

“Kaya naman kahit papano ay ginawa ko itong bill upang tulungan ang ating mga barangay officials at health workers,” ani Marcos.

Ayon sa panukalang batas makakatanggap ng retirement benefits ang mga barangay officials na umabot sa 60 taong gulang at nakapagsilbi ng hindi bababa sa 9 na taon.

Aabot sa P5.2 bilyon ang kailangan para mabayaran ang benepisyo unang bugso ng mga barangay officials at workers na kwalipikadong mabiyayaan sa ilalim ng naturang panukala.

Para magkaroon ng sapat na pondo, magtatayo ng Barangay Retirement Fund na kukunin sa 1 porsyento ng parte ng National Government sa IRA (Internal Revenue Allotment) kada taon. Ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang mamahalala sa naturang pondo.

Back to Blog