Bongbong nadismaya sa No-El scenario ng Comelec

Nagpahayag ng pagkadismaya ngayon ni vice presidential frontrunner Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagpapalutang ng posibilidad na “no-el” o no election o pagpapaliban ng eleksyon sa darating na Mayo 9.

Partikular na ikinadismaya ni Marcos si Comelec Chairman Andres Bautista dahil ipinangangalandakan nito ang scenario na pagpapaliban ng halalan dahil ang ruling umano ng Korte Suprema na nag-uutos na mag-imprenta at mag-isyu ng vote receipts ay mag-aantala sa paghahanda ng poll body sa eleksyon.

Sinabi nito na ang pahayag ni Bautista ay lihis sa mandato ng Comelec na isagawa ang halalan sa petsang itinakda ng batas.

“What’s the play of Chairman Bautista? Instead of assuring the public that the May 9 elections will be push through, he is sending signals that it may not happen at all,” ayon kay Marcos.

Napaulat na sinabi ni Bautista na ang order ng Supreme Court na mag-isyu ng vote receipts ay may kaakibat na mga problema dahil hindi umano ito kasama sa kanilang paghahanda at dahil halos dalawang buwan na lamang bago ang halalan, maaaring hindi na mabago ng komisyon ang kanilang preparasyon.

Bagama’t nakikita ni Marcos ang problemang hinaharap ng Comelec, sinabi nito na dapat mag-focus si Bautista at pangunahan ang buong komisyon sa pagtatrabaho ng husto upang masiguro na matutuloy ang eleksyon sa takdang schedule.

Sinabi ni Bongbong na imbes na magreklamo, dapat na gawan na ng paraan ng Comelec ang sumunod sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. “As I have said, no matter how the Comelec feels about it, the body should immediately begin preparations in accordance with the decision. They are wasting time complaining. The Comelec is mandated to give us honest and credible elections on May 9, 2016 and that they should ensure that happens,” ani Bongbong.

Back to Blog