Isang taon makalipas ang Yolanda, salamat sa mga mabuting Samaritano

Bulgar logoWalang pagsidlan ang aming pasasalamat sa mga tumulong sa mga biktima ng bagyong “Yolanda.”

Nobyembre 8 noong nakaraang taon nang manalasa ang bagyo at kumitil sa 6,200 katao at may 1,700 ang nawawala pa. Sinira nito ang 171 lungsod at bayan ng 14 na probinsya sa anim na rehiyon sa kabisayaan.

Makalipas ang isang taon, marapat lamang tayong magbigay ng pugay at kasama tayo ng sambayanang Pilipino na nagpapasalamat sa lahat ng dumamay at patuloy na dumadmay sa mga biktima hindi lamang sa Leyte kundi sa lahat ng lugar na nasalanta.

Humahanga tayo sa mga walang pangalan na naghukay ng putik upang maiahon ang mga bangkay; nagtali ng mga putol-putol na kahoy upang may masilungan ang mga nawalan ng bahay; mga gumamot sa mga sugatan; tumulong sa relief operation; at nabigay ng sariling dugo sa mga nangangailangan.

Tumatanaw tayo ng utang na loob sa mga dayuhang pamahalaan, international at local non-government organizations, religious groups, civic groups, at mga kilalang personahe na agad na rumesponde at nagpaabot ng tulong.

Natutuwa tayo sa mga batang nagbasag ng alkansya, nagtipid ng baon sa eskwelahan, nag-cancel ng birthday celebration upang makaipon ng kahit kaunti at makatulong.

Tayo ay buhay na saksi sa lahat ng ito. Hindi matatawaran ang kabayanihang inyong ipinakita. Kayong umagapay at umalalay ang nagbigay ng pag-asa at lakas ng loob sa mga biktima upang bumangon at magsimula ng panibagong buhay.

Para sa atin, kayo ang mga Mabuting Samaritano sa modernong panahon.

Isang taon makalipas ang trahedya, ano na?

Marami pa rin ang mga nawawala. Marami pa rin ang walang permanenteng tirahan. Ayon sa huli kong nabasa, 142 pamilya, o less than one percent lang, ng 250,000 na pamilyang nawalan ng bahay ang nailipat sa permanenteng tirahan.

Makalipas ang isang taon ay tsaka pa lamang nilagdaan ni Pangulong Aquino ang Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan (CRRP) na nagkakahalaga ng P167.9 bilyon.

This article was published in Bulgar on 7 November 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog