Bongbong Marcos sinalubong ng karamihan ng barangay chairmen sa Parañaque

Mainit ang naging pagsalubong kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kandidato bilang independent sa pagka-bise presidente, ng karamihan sa mga barangay chairman ng lungsod ng Paranaque, na ang pamunuan ay kaalyado ng Liberal Party.

Labing-tatlo mula sa pagkalahatang 16 na chairman ng mga barangay ng Paranaque ang nakipagpulong kay Marcos nitong Miyerkules nang dumalaw sa naturang lungsod ang kanyang “Unity Caravan.” Ginanap ang pagpupulong sa isang fastfood outlet malapit sa Redemptorist Church sa Baclaran.

“Natutuwa naman ako at handa kayong makinig sa aming mensahe para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino,” ani Marcos.

Sinabi ng senador na dahil matagal siyang nanilbihan bilang gobernador ng Ilocos Norte ay kabisado niya ang mga problema ng mga local government official, partikular sa barangay, at handa siyang tumulong para maisulong ang kanilang interes.

Partikular na tinukoy ni Marcos ang pagpasa sa third and final reading sa Senado nitong Disyembre ng kanyang bill na naglalayong bigyan ng benepisyo ang mga magreretirong opisyal at volunteer workers ng barangay.

Ipinahayag din ni Marcos ang kanyang suporta sa panukalang postponement ng barangay election sa darating na Oktubre para magkaroon ng panahon ang Kongreso na pag-aralan ang pagbabago sa haba ng termino ng mga inihahalal na opisyal ng barangay.

Ang mainit na pagtanggap ng mga barangay officials ng Paranaque kay Marcos ay tipikal sa pagtanggap sa kanya ng mga local government officials, partikular ang mga opisyal ng barangay, sa mga lugar na nabisita ng senador sa panahon ng kampanya.

Habang nagaganap ang pulong lumabas din ang impormasyon na naglabas ng manifesto ng pagsuporta kay Marcos ang Barangay Councilors League of the Philippines, sa pamamagitan ng national president nito na si Ricardo Junio, isang kagawad sa Valenzuela City.

Tinukoy ng BCLP ang papel ni Marcos sa pagkapasa ng Senado sa Senate Bill No. 12 o “An Act Providing Barangay Officials, including Barangay Tanods, Members of the Lupon ng Tagapamayapa, Barangay Health Workers and Barangay Day Care Workers Retirement Benefits.”

Sa ilalim ng naturang panukala tatanggap ng P100,000 ang lahat ng kwalipikadong barangay chairman, P80,000 para sa bawat isang miyembro ng Sangguniang Barangay, at P50,000 bawat isa sa barangay treasurer, secretary, tanod, miyembro ng Lupon ng Tagapamayapa, at barangay health at day care workers.

Back to Blog