Bongbong Marcos sa Pulis: Unahin ang kaligtasan ng tao

Nanawagan ngayon si vice presidential candidate Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pulisya na unahin ang kaligtasan ng publiko kaugnay ng pinangangambahang pagputok o paglala ng karahasan ngayong campaign period para sa mga lokal na kandidato dahil sa mainit na labanan ng mga magkakatunggali.

Ginawa ni Marcos ang panawagan kasunod ng pahayag ni Philippine National Police chief Director Ricardo Marquez na dadagdagan umano nila ang police visibility kaugnay ng campaign period para sa local elections na nagsimula na noong nakaraang Sabado.

“Sa lahat ng oras, ang proteksyon ng mga tao ang dapat unahin ng ating kapulisan. Ang police visibility, patrol routine, intelligence gathering, at iba pa ay dapat sa kaligtasan ng ating mga kababayan,” ayon dito.

Ang halalan sa Pilipinas, para sa national o lokal na posisyon man, ay palaging may kaakibat na karahasan, terorismo, at patayan, na pinaniniwalaang isang istratehiya ng magkakalabang grupo laban sa isa’t-isa upang manalo lamang, sa kabila ng gun ban at iba pang ipinatutupad na patakaran upang masiguro ang kapayapaan.

Umapela si Marcos para sa mapayapang campaign period at elections kasabay ng paghikayat nito sa mga kandidato at kanilang taga suporta na iwasang gumamit ng karahasan, lalo na ang mga taktikang pipinsala o papatay sa mga inosenteng tao.

“Hindi dapat masaktan ang mga tao kapag halalan. Ang eleksyon ay para sa tao upang magkaroon tayo ng gobyernong tunay na magsisilbi sa atin. Wala dapat mamatay nang dahil dito,” ani Marcos.

Back to Blog