Bongbong Marcos sa COMELEC: Ihiwalay ang problemadong voter’s receipts

Nanawagan ngayon si Senador Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Commission on Elections (COMELEC) na ihiwalay ang mga vote receipts na may mga reklamo ng pagkakaiba upang magamit ito kung sakaling may tuluyang magrereklamo sa eleksyon.

Ito ang naging pahayag ni Marcos matapos syang magpahayag ng pagkabahala sa patuloy na pananahimik ng Comelec sa mga isyung maaaring magdulot ng duda sa resulta ng halalan sa Mayo 9, partikular ang umano’y problema sa Overseas Absentee Voting (OAV).

“Halos isang linggo na mula noong ilabas namin ang isyung ito at naiulat na ito sa mga balita at kumalat maging sa social media pero hanggang ngayon ay walang malinaw na pahayag ang Comelec ukol sa isyung ito na pwedeng makaapekto sa kredibilidad ng darating na eleksyon,” ani Marcos.

Sinabi nya na dapat ngayon ay magtalaga na ang poll body ng mga guidelines sa mga botante kung sakaling magkaroon nga ng pagkakaiba ang kanilang boto sa lalabas sa vote receipts katulad ng paghihiwalay sa mga resibo na may reklamo ng pagkakaiba at kung maari ay lagdaan ito ng botante.

Pinaliwanag nya na ang paghihiwalay sa mga vote receipts na may reklamo ay makakatulong kung sakaling magdesisyon ang botante na magfile ng reklamo sa Comelec.

Noon pang April 20 naglabas ng pahayag si Marcos at hiniling sa Comelec na imbestigahan ang umano’y naging problema sa OAV, kung saan isang OFW sa Hong Kong ang nagsabing kahit si Marcos ang ibinoto niya si Sen. Gregorio Honasan ang lumabas sa resibo.

Ayon kay Marcos, matapos ito ay may mga ulat na dumating sa kanila ukol sa mga katulad na insidente sa Kuwait, Dubai at Japan. May ulat din na maging si Vice President Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance ay nagreklamo din ukol sa katulad na pangyayari.

Nagbabala si Marcos na kung hindi makukumbinsi ng Comelec ang mga Pilipino na ginawa nila ang lahat para mapigil ang anumang balak na dayain ang eleksyon magkakaroon ng duda sa magiging resulta ng halalan.

“Ang patuloy na pananahimik ng Comelec sa mga isyung ito ay talagang nakakabahala. Pag pinagsama-sama mo ang lahat ng mga ito ay mababahala ka talaga na baka may mga balak na dayain ang halalan sa Mayo 9. Dapat na umaksyon agad ang Comelec para mawala naman ang agam-agam na may nakaambang balak para mabalewala ang sagradong boto ng ating mga kababayan,” ani Marcos.

Back to Blog