Bongbong Marcos nakiisa sa panawagan laban sa paputok at baril sa pagsalubong sa bagong taon

Read the English version.

Ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito ang panawagan ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. bilang pagsuporta laban sa paggamit ng mga paputok at baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.

“Nakakabahala na ngayon pa lamang ay tila dumarami na ang insidente ng mga nasaktan dahil sa paputok at sa ligaw na bala,” ani Marcos.

Tinukoy ng Senador ang ulat ng Philippine National Police na sa 8:00 ng umaga nitong December 27 ay umaabot na sa 6 na insidente ng ligaw na bala ang naitala kung saan 5 ang nasaktan, 4 na kaso ng iligal na pagpapaputok ng baril, at 8 sugatan dahil sa paputok.

“Bahagi na ng tradisyon natin ang salubungin ang Bagong Taon sa pag-iingay pero habang nagsasaya tayo dapat din naman tayong maging responsible at iwasan ang anumang gawain na pwedeng makasakit sa atin o sa ating kapwa,” paalala ng senador.

“Siguro subukan natin ang mga pwedeng ipalit sa paputok at mag-enjoy na lamang sa mga fireworks na ginagawa ng mga eksperto sa pyrotechnics. At higit sa lahat, wala sanang magpapaputok ng baril,” dagdag pa niya.

Ayon sa Senador daan-daang tao ang napipinsala dahil sa paggamit ng paputok at mga ligaw na bala, kung saan ang ilan ay nauwi sa pagkamatay ng mga biktima. Maliban dito madalas din umanong nagkakaroon ng sunog dahil sa paputok na sumira sa bahay at ari-arian ng maraming tao.

Halos 600 kaso ang naitalang nasaktan dahil sa paputok sa panahon ng kapaskuhan at pagsalubong ng Bagong Taon noong nakaraang taon, samantalang may 61 insidente naman ng mga ligaw na bala.

“Sana naman ay maging masaya at ligtas ang pagsalubong natin sa Bagong Taon,” ani Marcos.

Back to Blog