Bongbong Marcos hiniling ang imbestigasyon ng Senado sa Kidapawan tragedy

Hiningi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Senado na imbestigahan ang marahas na dispersal ng mga nagpoprotestang magsasaka at mga lumad sa Kidapawan City kung saan 3 katao ang namatay at nasaktan ang daan-daang iba pa.

Sa Proposed Senate Resolution No. 1739, nanawagan si Marcos sa Senado na busisiin ang insidente para magbigyan ng karampatang tulong ang mga naghihirap na magsasaka at makamit ng mga biktima ng marahas na operasyon ang katarungan.

“Nakakalungkot na ang pagmamakaawa ng mga magsasaka at ng iba pang nagprotesta na nagugutom dahil sa krisis sa naturang probinsya ay sinalubong ng karahasan mula sa mga pwersa ng gobyerno at nagdulot pa ng pagdanak ng dugo,” ani Marcos, kandidato bilang bise presidente.

Matatandaang noong March 30, 2016 tinatayang mga 3,000 magsasaka at mga lumad ang nagsagagwa ng protest-rally sa Davao-Cotabato Highway para humingi ng tulong mula sa provincial government para sa mga pamilyang naapektuhan ng tag-tuyot sa naturang lugar.

Ayon sa mga ulat hinihingi ng mga nagpoprotesta na mamahagi ng sako ng bigas at maglabas ng calamity fund para matulungan ang mga taong matagal nang naghihirap dahil sa epekto ng El Nino sa probinsya na nasa ilalim na ng state of calamity simula pa noong Enero ng taong ito.

Noong April 1, 2016 sinasabi sa mga report na nagsagawa ng operasyon ang lokal na polisya para paalisin ang mga demonstrador sa highway na nauwi sa kaguluhan at nagresulta sa pagkamatay ng tatlong magsaka at nasaktan ang daan-daang iba pa sa kanila.

Dahil dito, sinabi ni Marcos sa naturang resolution na dapat magsagawa ng imbestigayon ang Senado, in-aid of legislation, ang marahas na dispersal ng mga magsasaka at lumad sa Kidapawan City na naapektuhan ng tagtuyot at mabigyan sila ng karampatang tulong.

Nauna rito kinondena ni Marcos ang marahas na aksyon laban sa mga magsasaka sa Kidapawan.

Ayon sa kanya posibleng napigilan ang trahedya kung maagap na umaksyon ang gobyerno para mabigyan ng solusyon ang problema ng mga magsasakang apektado ng El Nino sa Kidapawan City.

Back to Blog