Pakinggan ang Hinaing ng mga Kooperatiba

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarAng Senate Bill No. 2134 ay ang batas na magrereorganisa sa Cooperative Development Authority o CDA. Naisponsoran na ito at handa tayong sagutin ang mga katanungan ng mga senador kapag ito ay sumalang na sa interpellation.

Kinonsulta natin ang mga kooperatiba at hiningi ang kanilang mungkahi at opinyon. Pinakinggan natin ang kanilang reklamo at pangarap kung saan ang ating narinig ang ginawa nating basehan sa panukala.

Sa kasalukuyan, umaaray ang mga kooperatiba dahil binubuwisan sila ng BIR sa kabila ng patakaran na ang mga kooperatibang may retained annual income na P10 milyon pababa ay hindi dapat binubuwisan.

Ang diskarte ng Bureau of Internal Revenue para mabuwisan ang mga kooperatiba ay humihingi ito ng mga dokumento na mahirap ipunin kapag nag-aaplay sila ng Certificate of Tax Exemption (CTE). Dahil mahirap mai-produce ang mga dokumento ay pikit-mata na lamang silang nagbabayad ng buwis “under protest”.

Sa panukalang ito, malinaw na certificate of accreditation na lamang ng CDA ang dapat isumite sa BIR para makakuha ang CTE. Sa ganitong paraan, hindi na mabubutasan ng BIR ang mga kuwalipikadong kooperatiba para pagbayarin ng buwis dahil ready na agad ang kailangang sertipikasyon.

Reklamo rin ng mga nagsisimula pa lang na kooperatiba ang magastos na mga training. Sa kasalukuyan kasi ay pribadong grupo ang nagbibigay ng training pero pinagbabayad sila ng mahal.

Kaya nakalagay sa nasabing batas na maglalaan ng pondo sa CDA para sa training ng kanilang mga kawani. Sa ngayon ay makabubuo ng “trainors pool” ang CDA na siyang magbibigay ng training sa mga kooperatiba upang hindi na sila magbayad pa ng mahal.

Sa reorganisasyon ng CDA, malinaw ang mga tungkulin ng bawat opisyal at opisina. Halimbawa, ang kasalukuyang board of administrators na siyang tagapagbalangkas at tagapagpatupad ng patakaran at polisiya ng ahensiya ay gagawing Board of Directors na policy making body lamang. Ang executive power ay nasa chairperson ng board na tatawaging administrator.

Ang pagbabagong ito sa loob ng CDA, kasama ang iba pang reporma ay magpapabilis sa pag-unlad ng mga kooperatiba.

Kapag naisabatas ito ay matutupad na rin ang sinasabi ng Saligang Batas na ang mga kooperatiba ay dapat instrument ng katarungang panlipunan at kaunlaran.

This article was published in Bulgar on Thursday, 23 October 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog