Lumalago nga ang ekonomiya ng ‘Pinas pero ‘di naman nararamdaman ng mga purdoy

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

Bulgar

Ipinagmamalaki ng ating gobyerno ang diumano’y magandang paglago ng ating ekonomiya nitong mga nakaraang taon. At sa mga nabasa kong mga artikulo mula sa World Bank at Asian Development Bank, tila nga mayroon tayong mga ginawa na sadyang nakatulong para umungos ang ating ekonomiya. Ang tanong lang palagi ay, bakit hindi ito nadarama ng karamihan sa ating mga mamamayan?

Yan ang laging problema—naiipit sa itaas ng tatsulok ang walumpung porsiyento ng kitang yaman sa ating bansa. Ibig sabihin, lumago man ang ekonomiya, ang kita nito’y mananatili sa itaas at di aasahang bababa para naman umayos at umunlad ang lagay ng mahigit 100 milyong Pilipino.

Sa palagay ko, kailangan na natin talagang baguhin ang ating sistema upang ang mga mayayaman sa ating mga Pilipino ay kikita rin ngunit hindi maiiwan ang karamihan sa atin.

Noong araw ay mayroon tayong mga industriyang tunay na pagmamay-ari ng taumbayan. Mayroon tayong steel industry kung saan ang mga napag-minahan ay dito na prinupruseso at ginagamit. Kaya naman mura noon ang construction materials. Noon, sentralisado din ang public transport. Kaya naman, mura ang pamasahe, lalo na sa LRT. Noon, mayroon tayong Food Terminal na sadyang ginawa upang mapanatili at maging secured ang ating pagkain. Kaya naman, kung may sakuna at kailangan ng isang probinsya ang pagkain, hindi tayo nagkakadahap na mag supply ng pagkain.

Naging panabla rin laban sa mga nagsasamantalang food traders ang pagkakaroon natin ng food terminal dahil hindi nila kayang manipulahin ang presyo ng mga bilihin. Kaya naman, ikumpara natin ang lagay natin ngayon sa lagay natin halos tatlong dekada na ang nakaraan. Ang suplay ng kuryente ay walang patid din dahil pagmamay-ari ng taumbayan ang sektor ng enerhiya. Para nga masuplayan ang ating mga industriya at ating kabuhayan ng sapat na kuryente, nagtayo tayo ng nuclear power plant.

Kung ako lamang ang tatanungin ano ang dapat nating gawin para maisayos ang kalagayan natin, isa sa mga panukala ko’y magkaroon tayo ng isang multi-sectoral strategic plan.

Isang plano ang ating isasakatuparan, kahit na sino ang mamuno sa ating bayan. Ang siste kasi ngayon eh, ang polisiyang ipinatutupad ng pamahalaan ay nakabatay sa kapritso lamang ng nanalong kandidato. Walang consistency ika nga, at palagiang nakabase sa kung sino at ano ang dinadala niyang prinsipyo pagdating sa palasyo.

Mahalagang magkaroon tayo ng isang pambansang planong inprastraktura o national infrastructure program na hindi lamang pagtatayo ng mga pisikal na inprastraktura kundi maging pagbabago sa kaisipang Pilipino. Aba’y mayroon nga tayong mga inprastraktura ngunit hindi naman natin alam gamitin ang mga ito, balewala di po ba?

Kaya naman, sa ngayon, ako ay lumilibot sa ating mga bayan-bayan, bumibisita sa ating mga kababayan, upang mabatid mula sa kanila, ano ang kanilang mga mithiin at ano ang kanilang damdamin sa kasalukuyan. Imbes na manatili lamang ako sa opisina ko sa senado o makigulo sa pulitika, minabuti kong bisitahin ang ating mga kababayan at mula sa kanila, makalikha ng isang pambansang programa na siyang tutulong sa atin sa hinaharap.

Ngayon na ang panahon ng pagbabago, ang ibalik at ipanumbalik ang dati nating lakas bilang isang bayan. Kung dati’y tayo ay tinitingala ng buong Asya, wala akong nakikitang balakid kung ating aasaming muli ang tumayo at sa pinagsama nating lakas, muli nating ibalik ang ningning sa ating mga bayan, sa ating mga siyudad, maging sa ating mga mata. Hindi ito imposible. Panahon na upang ibalik nating muli sa taumbayan ang kaunlaran at kaayusan!

This article was published in Bulgar on 8 September 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog