‘Nganga’ pa rin hanggang ngayon ang mga may kapansanan o PWD

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarHindi natin namamalayan na 22 taon na pala ang batas para sa kapakanan ng mga may kapansanan. Ang tinutukoy natin ay ang Republic Act 7277 o “Magna Carta for Persons with Disability” na isinabatas noong pang 1992 para sa persons with disability (PWD).

Nakasaad sa magna carta na ang mga dapat na hakbangin ng estado para mapangalagaan, maaruga at maisulong ang karapatan ng mga PWD. Ipinagbawal din nito ang diskriminasyon sa mga PWD at isinusulong ang karapatan nila at prebilehiyo sa serbisyo ng pamahalaan.

Matapos maisabatas ang Magna Carta for Persons with Disability ay wala na tayong nalaman kung may napala ba rito ang mga may kapansanan? Unti-unti nang nabura sa ating isipan kung ano na ang kinahinatnan ng mga PWD. Natabunan na ito ng sumunod na mga isyu na pumukaw sa kamalayan ng mamamayan.

Hindi ba, tungkulin ng gobyerno na i-monitor ang implementasyon ng batas na ito at karapatan naman ng mamamayan na malaman ang status o hanggang saan na ang inabot ng pagpapatupad ng batas?

Kaso, walang regular report ang pamahalaan. Kahit press release man lang ay wala rin.

Kaya heto, ‘nganga’ tayong lahat. Clueless, ‘ika nga sa Ingles.

May pagkakataon naman ang pamahalaan na mag-ulat sa bayan, taun-taon hinggil sa ating mga PWD dahil ang 3rd week ng Hulyo ay itinalagang “National Disability Prevention and Rehabilitation Week”pero walang ulat. Kung anuman ang dahilan ay hindi natin alam.

Naghain ngayon ng isang resolusyon upang alamin kung tunay at mahigpit na naipatutupad ang batas at hanggang saan na ang naabot nito sa usapin ng pangangalaga sa karapatan at pagsusulong ng kapakanan ng mga PWD.

Sa Senate Resolution No 783, nais nitong pagpaliwanagin ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa Senado hinggil sa status ng implementasyon ng magna carta.

Hiniling natin sa Senate Committee on Justice, Welfare and Development na pangunahan ang imbestigasyon at ipatawag hindi lang ang DSWD kundi ang iba’t ibang sangay at ahensiya ng pamahalaan na naatasan na ipatupad ng batas.

Mahalaga sa atin ang hakbang na ito dahil karapatan ng mamamayan na malaman ang kalagayan ng mga PWD lalo pa’t marami sa ating mga kababayan ang may kapansanan.

Sa record ng Census of Population and Housing noong 2010, sa may 92.1 milyon na kabuuang bilang ng households sa bansa, 1,443,000 dito ay may kapansanan.

Natutugunan ba ng batas ang kanilang mga espesyal na pangangailangan? Napoprotektahan ba ang kanilang mga karapatan? Nabibigyan ba sila ng pantay na pagtrato at pagkakataon?

Hindi naman siguro pipi ang DSWD para hindi magsalita hinggil dito. Palagay natin ay sadyang hindi sila nagsasalita dahil walang namang nagtatanong.

This article was published in Bulgar on 30 October 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog