Hindi ‘band-aid’ kundi long-term solution ang kailangan sa problema sa enerhiya

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarNakakabahala ang prediksyon ng pamahalaan na sa panahon ng tag-init sa susunod na taon, makakaranas tayo ng 6-8 hour rotating brownouts. Kung sabagay, hindi na bago ‘yan sa Mindanao.

At dahil aburido na si Energy Secretary Jericho Petilla, ipinipilit niya na bigyan ng emergency power si Presidente Aquino para harapin ang power crisis sa bansa. Sa aking pagkakatanda, ginawa na natin ito noon pero mukhang hindi naging maganda ang resulta.

Naalala ko tuloy ‘yung sinabi ni Albert Einstein: “The definition of insanity is doing the same thing over and over again and expecting a different result.”

Pero kahit na masiguro pa na magiging tama ngayon ang paggamit ng emergency power ng Pangulo, short-term solution pa rin ito sa isang long-term problem tulad ng energy problem. Kaya ang aking mungkahi, magbago tayo ng paraan kung saan magkatuwang ang traditional at makabagong istratehiya.

Ganito ‘yan. Kung power shortage ang problema, dagdagan ang power supply.

Paano?

Lahat ng pwedeng pagkunan ng enerhiya, lahat ng teknolohiya, itayo na agad. Kung uumpisahan natin ngayon, sa loob ng tatlong taon baka mapapakinabangan na ang mga plantang ‘yan.

Paramihin natin ang mga geothermal plant. Dagdagan natin ang mga hydro plant. Kausapin natin ang mga pribadong korporasyon para mamuhunan sa pagtatayo ng mga plantang ito, siguro build-operate-transfer (BOT) agreement ang ihain natin sa kanila para makumbinsi, o kahit anong agreement na pwede.

Pwede ring magtayo ng mga windmill tulad sa Ilocos Norte. Pero hindi rin long-term solution ito dahil hindi naman araw-araw, oras-oras, minu-minuto ay humahangin kaya ‘pag walang hangin, wala ring supply. Ang solar ganun din, kahit na nga unti-unti nang nagiging commercially viable ito.

Tulad ng sinabi natin, hindi pwedeng short-term solution sa long-term problem. Kailangan long-term at sustainable ang solusyon.Mayroong ibang mga bansa na gumagamit ng oil-fired plant, coal-powered plant, nuclear plant. Dapat ganoon tayo mag-isip sa kanila.

Mabilis na aksyon, akmang solusyon. ‘Yan ang dapat nating prinsipyo. ‘Wag naman sana, pero sa tingin ko, nagdadalawang-isip na ang mga dayuhang negosyante kung mamumuhunan pa sila sa Pilipinas. Bukod sa kulang sa supply, mahal pa ang presyo ng kuryente.

Pero kung maipapakita ng ating gobyerno ngayon pa lang na seryoso ito at mapipigl ang kinatatakutang rotating brownouts sa susunod na taon, at mareresolba kabuuang energy problem sa bansa, palagay ko magbabalik ang kumpyansa ng mga dayuhan at makukumbinsi silang magtatayo ng negosyo sa Pilipinas.

‘Pag maraming negosyo, maraming trabaho para sa mangagawang Pilipino. At kapag may kita ang ama ng tahanan, may sapat na pagkain sa mesa, tuition ng mga anak, pambili ng gamot ‘pag may sakit, at higit sa lahat, pag-asa ng magandang bukas sa bawat pamilyang Pilipino.

This article was published in Bulgar on 8 October 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog