COA report on ‘Yolanda’

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarKalamansi sa sugat. Ibig sabihin, kumikirot na, pinatakan pa ng pangpahapdi. Ito ang angkop na pagsasalarawan sa naungkat ng Commission on Audit na wala kahit singko mula sa kaban ng pamahalaan ang itinulong sa Yolanda victims, samantalang P692.77 milyon ang quick response funds ng Office of Civil Defense. Bukod dito, P48.82 milyon ang natanggap na donasyon ng NDRRMC.

Umaapaw ang pasalamat ng gobyerno sa mga dayuhan at lokal na tumugon sa panawagan na mag-abot ng tulong sa mga nasalanta. Subalit sa “Report on the Audit of Typhoon Yolanda Relief Operations” ng COA, mayroong P736.2- milyung foreign and local cash donations ang “inupuan” lang ng Department of Social Welfare and Development. Ibig sabihin, nasa bangko lang ang pera at hindi ginamit para sa pangangailangan ng mga biktima ng super typhoon. Ang lalong nakakasakit ng loob: 128,000 lata ng sardinas at inuming tubig na nagkakahalaga ng P69.2 milyon ang hindi nakarating sa Tacloban- ang probinsyang pinakabinayo ni Yolanda.

Ang sagot ni Secretary Dinky Soliman ay nagamit lahat ng donasyon sa relief operations noon pang Disyembre 2013. Ang katwiran niya, noong isinasagawa ng COA ang auditing, pondo at supplies pa ng DSWD ang kanilang ginamit sa relief operation kaya hindi nagalaw ang mga donasyon.

Sa report ng COA, mas napansin ko ang mga nabulok na pagkain. Parang wala akong narinig na sagot dito si Sec. Soliman.

Kung sa bawat isang lata ng sardinas ay isang pamilya ang mapapakain ng isang beses, 128,000 pamilya ang dapat sana’y nakatawid ng isang pagkain kung naabot lamang ang mga ito sa kanila. Noon pa man, marami na akong naririnig tungkol sa mga relief goods na hindi nakakarating sa mga biktima at nabubulok at nasasayang lang. Nakumpirma ito ngayon ng COA.

Nirerespeto ko ang paliwanag ni Sec. Dinky pero wala akong maapuhap na dahilan para sang-ayunan siya. ‘Asan ang katwiran na habang milyun-milyon pala ang mga donasyon na nasa kamay ng DSWD, hindi naman ginastos para sa mga biktima?

Kung talagang naniniwala si Sec. Dinky na walang pagkukulang ang gobyerno, dapat sa mga biktima siya magpaliwanag. Humarap siya sa mga nagtulakan, nagsikuhan, nagtapakan at halos nagpatayan para lamang makaagaw ng kakarampot na relief goods sa mga manaka-nakang pagdating ng mga trak.

Dalawa ang punto sa usaping ito: kahandaan at sistema. Una, dahil sa wala pa tayong karanasan sa lakas ng Yolanda bago ito tumama sa atin kaya hindi natin napaghandaan ito ng maigi. Sa aspetong ito, wala tayong dapat sisihin.

Pero sa relief operation, dapat sanay na tayong maghanda ng mga basics. Pero lumalabas na wala tayong pangkalahatang panuntunan kung paano pangangasiwaan ang post-disaster management. Nakakatawa ito sa isang bansang tulad ng Pilipinas na taun-taon ay dinadalaw ng halos 22 bagyo. Ang COA report ay panggising sa mga ahensya ng gobyerno na siyang naatasan at may mandato na siguruhin ang kaligtasan at pangangailangan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad.

Idagdag rin natin ang pag-audit sa mga pondong ibinigay ng iba’t ibang bansa at iba pang foreign agencies. Saan ba talaga napunta ang mga pondo? Kung tiniyak siguro ng mga ahensya na nakarating sa mga biktima ang mga nasabing tulong, mababawasan ang suliranin ng kagutuman at maitatayo nilang muli ng mas mabilis ang kanilang mga tahanan. Mapapabilis sana ang muling pagbangon ng mga biktima ng Yolanda.

Huli na para magsisihan at “bitayin” ang mga may pagkukulang. Pero hindi pa huli para magbalangkas ng tamang sistema at istruktura ng relief operations tuwing may tatamang kalamidad sa bansa.

This article was published in Bulgar on Thursday, 18 September 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog