Bombo Radyo Philippines – Opisyal ng DOT binatikos ng netizens matapos tawaging VP si Bongbong Marcos

By Bombo Sol Marquez | Bombo Radyo Philippines

Naglabas na ng paalala ang Department of Tourism (DOT) sa mga empleyado nito na gawin ang kanilang trabaho ng nararapat at may kaakibat na professionalism.

May kauganayan ito sa kabi-kabilang pambabatikos na natanggap mula sa netizens ni Department of Tourism (DOT) regional director Jeff Ortega.

Kumalat kasi sa social media ang video nito kung saan ipinakilala ni Ortega si dating Sen. Bongbong Marcos bilang bise presidente ng Pilipinas.

Nangyari ito sa isang tourism event na ginanap sa Ilocos Norte na dinaluhan naman ni Marcos.

Ang ginawa raw ni Ortega ay tahasang pagbalewala na kilalanin si Vice President Leni Robredo bilang ikalawang mataas na opisyal ng bansa.

Si Ortega ay galing sa isang prominenteng pamilya sa La Union at itinalaga bilang tourism directior ng Ilocos Region noong Setyembre 2019.

Isa rin siyang entrepreneur at kilala bilang nobyo ng aktres na si Jasmine Curtis-Smith.

Dahil dito ay binura na ni Ortega ang kaniyang Twitter account at nag-private na rin ito ng Instagram account.

Magugunita naman noong 2016 general elections ay naungusan ni Robredo si Marcos ng 263,000 votes sa pagka bise-presidente.

Sa ngayon ay may nakabinbin pang election protest sa Korte Suprema ang kampo ni Marcos laban kay Robredo.

Back to Blog