Bombo Radyo – Mga senador, kinumpirma ang panggagapang ng Palasyo re: ARMM poll

By Bombo Radyo Philippines

Bombo_radyoKinumpirma ni Senate committee on local government chairman Sen. Bong-Bong Marcos na nagpaparamdam ang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para madaliin ang pagpasa ng panukalang batas na magpapaliban ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at isabay na lamang sa 2013 midterm elections.

Sinabi ni Marcos, hindi man siya kabilang sa mga senador na kinausap ni Pangulong Aquino ngunit sa pamamagitan nina Executive Sec. Paquito Ochoa at Interior Sec. Jessie Robredo napag-usapan ang pagpapaliban ng halalan sa ARMM.

Ngunit hindi umano nagpapa-pressure si Marcos sa halip ay inilatag ang ginagawang proseso ng kanyang komite sa panukala ng MalacaƱang.

Ayon kay Marcos, sa Mayo 19 ay itinakda nito ang gagawing public hearing sa Marawi, at pinag-aaralan pa kung isusunod ang mga pagdinig sa Sulu at Tawi-Tawi.

Gayunpaman tiniyak ni Marcos na bago ang huling linggo ng Mayo ay makakagawa na siya ng committee report at matalakay na ang panukala sa plenaryo.

Nabatid na maliban sa apat na Liberal Party senators, kinausap na rin ni Pangulong Aquino sina Sen. Antonio Trillanes at Sen. Panfilo Lacson para sa pagpasa ng panukala.

Kanina ay nagpahayag na rin si Senate President Juan Ponce Enrile ng suporta ng pagpapaliban ng halalan sa ARMM.

Kabilang naman sa mga senador na malamig sa ARMM election postponement bill ay sina Sen. Migs Zubiri, Miriam Defensor-Santiago, Sen. Chiz Escudero at Joker Arroyo kung saan pawang may nakikitang constitutionality issue sa naturang panukala.

Back to Blog