Bohol United Opposition (BUO) nagkaisa ng suporta kay Bongbong Marcos

Patuloy na lumalakas ang kandidatura para bise presidente ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos na magpahayag ng solidong pagsuporta sa kanya ang mga miyembro ng Bohol United Opposition (BUO).

Ang BUO ay koalisyon ng mga lider-politikal sa probinsya mula sa ibat-ibang grupo na nagkasundong magkaisa para banggain ang Liberal Party.

Sa pangunguna ni Bohol 2nd District Rep. Erico Aristotle Aumentado at Mayor ng Bien Unido na si Nino Rey Boniel, nangako ng suporta kay Marcos ang mga nakaupong mayor o kandidatong mayor sa 47 bayan at ng kapitolyo ng Tagbilaran City sa isang pulong sa Shang Palace Restaurant sa Tagbilaran.

“Buo kaming boboto para sa iyo,” ani Aumentado kay Marcos.

Nagpasalamat naman si Marcos sa grupo at aniya ay tila naunahan na nila sa Bohol na gawin ang kanyang panawagan ng pagkakaisa sa buong bansa.

“Kaya naman nagagalak ako at nakarating kayo rito ngayon. Alam ko na marami sa inyo ay hindi sumunod sa national party line para makasama rito ngayon at magpahayag ng suporta para sa aking kandidatura bilang bise presidente,” ani Marcos.

Subalit sinabi ni Marcos na sa maraming lugar na kanyang napuntahan marami ring nangyayari na tulad ng sa Bohol kung saan ang ibat-ibang grupong politikal ay nagpahayag din ng pagsuporta sa kanya.

Naniniwala si Marcos na ang pagdagsa ng suporta sa kanya ay dahil na rin sa kanyang mensahe ng pagkakaisa ng bansa na malugod namang tinatanggap ng maraming Pilipino.

Samantala bago ang naturang pulong dumalaw muna si Marcos kay Vice Governor Concepcion Lim, na miyembro ng LP, sa bahay ng huli sa bayan ng Valencia.

Ayon kay Marcos, si Lim ay dating provincial coordinator sa Bohol ng mga tinaguriang “Blue Ladies” na mga kaibigan ng kanyang ina.

Nang tanungin ng local media kung ang pagdalaw niya ay nangangahulugang susuportahan din siya ni Lim, sinabi ni Marcos na: “Ibig lang sabihin ay bumisita ako sa matagal na naming kaibigan.”

Back to Blog