BLBAR pwedeng maipasa ng Kongreso kung matatalakay ang panukala sa House

Read the English version here.

Posibleng maipasa ng Kongreso ang panukalang Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region kung magkakaroon ng quorum sa House of Representatives para maipagpatuloy nila ang pagtalakay sa naturang bill, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ayon kay Marcos, Chairman ng Senate Committee on Local Government, handa na siyang harapin muli ang pagtatanong ng kanyang mga kasamahan ukol sa kanyang bersyon ng batas sa pagpapatuloy ng Senado sa pagtalakay dito.

“Natigil ang pagtalakay ng House sa BLBAR dahil sa kawalan ng quorum. Ngayon kung makakaya nilang magkaroon ng quorum para matuloy na ang kanilang diskusyon posibleng maipasa namin ang BLBAR bago matapos ang aming session,” ani Marcos.

Ayon kay House ad hoc committee Chairman Rufus Rodriguez dahil sa darating na eleksyon, marami sa mga mambabatas ang naglalagi ng mas matagal sa kanilang mga sariling distrito.

Nauna rito sinabi ni Marcos na pipilitin ng Senado na matapos ang kanilang deliberasyon sa BLBAR sa natitirang araw ng kanilang session.

“Nasa period of interpellation pa rin kami. Kasunod nito ay magpo-propose na ng amendments ang mga Senador at pagkatapos nito ay pwede naming pagbotohan ang bill at ipasa ito,” ani Marcos.

“Palagay ko naman, matapos na magbigay ng mga amyenda ang aking mga kasamahan sa substitute bill na isinulat ko, maipapasa na namin ito,” dagdag pa niya.

Bagamat inamin ni Marcos na wala siyang kontrol kung gaano tatagal ang interpellation sa BLBAR kumpyansa ang Senador na maaari namang magkasundo ang mga Senador na pabilisin ang proseso para sa batas na inaasahang magdudulot ng kapayapaan sa Muslim Mindanao.

“Hindi natin dapat hayaang matigil ang peace process. Dapat nating ipagpatuloy ang paghahanap ng paraan para sa kapayapaan sa Muslim Mindanao,” giit ni Marcos.

Back to Blog