BIR di ata sumusuporta sa mga kooperatiba

Read the English version here.

unnamed-1

Hinimok ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mga lider ng kooperatiba sa bansa na magkaisa at tumulong sa kanyang layunin na mabago ang mga patakaran ng gobyerno na nakakahadlang sa paglago ng kilusang kooperatiba.

Sa kanyang keynote address sa 5th Cooperative TEAMshop sa La Carmela Hotel and Convention Center in Boracay, sinabi ni Marcos na bagamat binigyan ng batas ng tax incentive ang mga kooperatiba ilang alituntunin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nagpapahirap na maibigay ang mga ito.

“Hindi ko mapigilang madismaya dahil hindi lamang ito taliwas sa layunin ng batas kundi hinahadlangan pa ang pagsulong ng ating adhikain na pasiglahin ang kilusang kooperatiba sa bansa,” ayon kay Marcos, Vice-Chairman ng Senate Committee on Cooperatives.

Ayon sa layuning mapaunlad ang mga kooperatiba binigyan ng tax exemption ng batas ang mga kooperatiba kung sa kanilang miyembro lamang ang transaksyon at limitadong exemption naman doon sa mga may transaksyon sa hindi nila ka-miyembro.

Subalit iginiit ng BIR na bago payagan maging tax exempt kailangan munang makakuha ng Certificate of Tax Exemption (CTE) ang mga kooperatiba. Bago nito, kailangan din nilang makakuha ng Certificate of Good Standing (CGS) sa Cooperative Development Authority.

Ang problema, mula sa may 25,000 namga kooperatiba na rehistrado sa CDA umaabot lamang sa 11,600 ang nakakuha ng CGS at may 6,295 lamang sa kanila ang sa huli ay nakakuha ng CTE mula sa BIR.

“Ang masaklap pa, ayon sa Senador, mismong si BIR Commissioner Kim Henares naniniwalang masama ang epekto ng Cooperative Code at nag-akusa na maraming kooperatiba ang ginagamit ang batas para mapaikutan ang mga labor at tax law.”

Hinikayat ng Senador na masigasig na ipaglaban ng mga lider ng kooperatiba na makamit ang tax-exempt status ng lahat ng kooperatiba sa bansa at makamit ang 2020 vision na ang kooperatiba ang business model na magustuhan ng karamihan at tuloy lumago ng lubos ang mga ito.

“Tulad po ninyo at ng buong sektor ng kooperatiba, pangarap ko rin pong maabot ang 2020 Vision para sa mga kooperatiba. Sana po ay samahan ninyo ako sa aking misyon na ito, upang ang ating pangarap ay maabot at gawing isang ganap na katotohanan,” ani Marcos.

Back to Blog