Big 3 Oil Companies Barikadahan

Sa sobrang taas ng presyo ng petrolyo

Tiyak na mapipilitang magbaba ng presyo ng langis ang tatlong higanteng kumpanya kung magsasama-sama ang mamamayang Pilipino at barikadahan ang tanggapan at depot nito.

Ito ang panawagan ngayon ni Rep. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng Ilocos Norte kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo kamakailan ng Shell, Chevron at Petron sa kabila ng katatapos pa lamang ng bagyong Ondoy at Pepeng.

Ayon kay Marcos, kung mapaparalisa ng taumbayan ang operasyon ng tatlong higanteng kumpanya tiyak na mapipilitan itong magbaba ng presyo ng kanilang petrolyo.

“Milyon-milyong piso ang tubo ng big 3 oil companies, kaya dapat lang na ibaba nila ang kanilang presyo.  Sobra na ang kasakiman ng mga kumpanyang ito,” pahayag ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na kung walang magagawa ang pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, dapat ang taumbayan na mismo ang kumilos para mapilitan ang tatlong kumpanya ng langis na ibaba ang kanilang presyo.

“Kung papalibutan ng taumbayan ang mga tanggapan at depot ng Shell, Chevron at Petron, tiyak na bibigay ang mga ito at magbaba ng kanilang presyo,” dagdag pa ni Marcos.

“Karapatan ng taumbayan ang kumilos at mag-protesta.  Isang anyo ng protesta ang gagawing barikada ng taumbayan lalu na kung ang pagsasamantala ng mga kumpanya ay sobra na,” paliwanag ni Marcos.

Back to Blog