‘Barking up the wrong tree’ si PNoy

“Barking up the wrong tree” si Presidente Aquino sa paninisi nito sa mga senador dahil sa hindi pagkakapasa ng Malacañang-proposed Bangsamoro Basic Law, o mas kilala sa tawag na BBL.

Ito ang ipinahiwatig ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., nangunguna sa karera para sa pagka-bise presidente sa mga pre-elections survey, kasabay ng pagsasabi nito na clueless siya kung bakit ibinubunton ng Pangulo sa “dalawang senador” ang kabiguan ng Kongreso na ipasa ang BBL.

“Talaga namang nakapagtataka kung bakit ang sinsasabi, ang mga senador daw ang dahilan… Ni hindi ko alam kung bakit sa Senado isinisisi ang hindi pagkapasa ng BBL,” pahayag nito sa panayam ng dzRH.

Sa kanyang talumpati sa graduation rites ng Gabay Laya PMA (Philippine Military Academy) Class of 2016 sa Baguio City noong Linggo, isinisi ni Mr. Aquino sa dalawang senador, na halatang si Senador Juan Ponce Enrile at Marcos ang tinutukoy, ang hindi pagkakapasa ng BBL.

Si Marcos, chairman ng Senate Committee on Local Government, ang sumulat, nag-file, at nag-isponsor ng Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR), na substitute sa BBL.

Ang BLBAR ay nasa period of interpellation kung saan tinatanong ni Enrile si Marcos bago nag-adjourn ang Kongreso noong Pebrero 5.

Ipinaliwanag ni Marcos na hindi dapat sisihin ang Senado dahil ang BBL ay isang bill of local application at kailangan munang aprubahan ng Kamara de Representantes bago ito i-transmit sa Senado para sa kaparehong approval.

“Ang nangyari, ayaw naman ng mga Kongresista (sa BBL). Kaya hindi sinisiputan kapag tinatawag sa BBL, walang quorum kaya hindi natapos. Walang na-transmit, ‘ika nga, sa Senado,” sabi nito.

Sinabi nito na nire-reject naman talaga ang BBL na itinutulak ng Malakanyang dahil ito ay unconstitutional kung kaya’t inihain niya ang BLBAR.

“Talaga namang ang lahat ay ayaw ng BBL na pinipilit ng Palasyo. Ito’y unconstitutional at bukod pa roon ay hindi naman kapayapaan sa Muslim Mindanao kaya’t maraming kumokontra. Kaya kami nag-file ng (BLBAR na) substitute bill na sa palagay ko ay tama, constitutional at at inclusive sa lahat ng stakeholder sa Mindanao. Isinama ang lahat ng mga komentaryo ng lahat ng mga stakeholder sa Mindanao para maging mas matagumpay ang Basic Law on Bangsamoro Autonomous Region,” anito.

Back to Blog