Barangay officials ang pangunahing linya ng depensa laban sa Zika virus

Nagmungkahi ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Department of Health na hingin ang tulong ng mga barangay officials laban sa pinangambahang pagkalat ng Zika virus na idineklara ng World Health Organization na nagbabanta ng “global public health emergency.

Hinihinalang ang Zika virus ang dahilan ng birth defect na “microcephaly” o maliit na ulo at utak ng sanggol at maging ng Guillain-Barré syndrome na isang neurologic condition kung saan humihina ang mga muscles ng apektadong tao.

“Habang patuloy ang pagpupursige ngmga doktor at scientists na maintindihan ang Zika virus dapat na maglatag na tayo agad ng mga aksyon para hadlangan ang pagkalat nito sa ating bansa,” ani Marcos.

“Ang mga barangay officials ang pangunahing linya ng depensa natin sa virus na ito. Kung lahat sila ay makikiisa anumang preventive actions ay maipatutupad sa lahat ng sulok ng ating bansa,” dagdag pa ng senador.

Ang mga barangay officials ang mas nakaaalam sa sitwasyon sa kanilang lugar at direktang kaugnay ng mga tao na dapat makaalam sa banta ng Zika virus.

Sa kasalukuyan wala pang bakuna o gamot sa infection ng Zika virus. Ang tanging magagawa para makaiwas ay siguraduhing hindi makakagat ng lamok na nagdadala ng naturang virus—na siya ring klase ng lamok na nagdadala ng dengue.

“Kahit konti pa lang ang alam natin sa Zika, dahil alam na natin na yun lamok din na nagdadala ng dengue ang kalaban mapipigilan na rin natin ito sa pamamagitan ng mga paraang ginagawa na natin laban sa dengue. Dapat lamang na paigtingin pa natin ang ating kampanya,” ani Marcos.

Epektibo ang mga barangay officials sa pangunguna sa mga residente para magsagawa ng mga “search and destroy mission” para tanggalin ang mga tubig na pinangingitlogan ng mga lamok ayon sa senador.

Bukod dito maasahan din sila sa pagtukoy sa mga lugar kung saan dapat magsagawa ng selective fogging at pagpapakalat ng impormasyon para turuan ang mga tao na magsuot ng proteksyon sa lamok at kumunsulta agad sa doktor kung may posibleng infection ng dengue o Zika.

“Dapat tayong magkaisa para maiwasan ang seryosong banta ng Zika. Sa tulong ng ating mga barangay officials kumpyansa ako na kaya nating siguruhin ang kalusugan ng ating mga kababayan tungo sa isang maayos at progresibong bukas para sa lahat,” ani Marcos.

Madalas na binabanggit ni Marcos ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga barangay officials para madala ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao at bilang pagkilala dito ay gumawa siya ng panukalang batas—na naipasa kamailan ng Kongreso—para mabigyan sila ng retirement benefits.

Back to Blog