Abot-kamay na ang kapayapaan sa Mindanao

By Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. | Bulgar

BulgarBilang chairman ng Senate Committee on Local Government, pinangunahan ko ang unang public hearing para sa BBL. Binubuo ng halos 121 pahina ang BBL kayat nararapat na himaying mabuti ang nilalaman ng batas na ito bago maipasa. Tatlo ang panuntunang aking sasandigan: democratic, substantive at transparent discussion.

Sisiguraduhin kong mapakikinggan ang lahat ng boses. Bibigyan ng pagkakataon na marinig ang mga paninindigan, pabor man o tutol sa BBL. Bibigyang-laya ko ang payapang debate ng mga nagtutunggaliang prinsipyo patungkol sa BBL. Pakikinggan natin ang panig ng mga katutubong lumad, mga taga-bundok, mga Muslim kasama na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) at iba pang mga grupo na apektado. Papayagan kong makapagsalita ang lahat ng panig at sisiguradihun kong walang mababalewala sa pagsunod natin sa demokratikong prosesong ito.

Sa unang pagdinig na isinagawa namin sa komite noong Setyembre 23, inanyayahan ko muna ang mga taong nasa likod ng BBL upang magbigay ng briefing sa aming mga senador. Ilan sa dumating sa senado ay sina Miriam Coronel-Ferrer, chief government negotiator; Sec. Deles, Presidential Adviser on the Peace Process, Mohaguer Iqbal, chairman, Bangsamoro Transition Commission at kasamang si Atty. Sha Elijah Alba; sina Atty. Ana Tarhata Basman at Atty.Senen Bacani ng GPH Peace Panel.

Nagbukas sa marami pang katanungan ang briefing. Maraming probisyon ang kailangang linawin. Sino ang isasama sa plebisito? Ano ang depinisyon ng “contiguous area?” Isasama ba ang mga dagat at tubigan sa area na ito? Paano ang wealth sharing? Dapat ipaliwanag ang “decommissioning” at “normalization.” Ano ang gagawin sa mga armas ng MILF? Ilan lamang ito sa mga katanungan na hindi pa nabibigyan ng kaliwanagan. Kailangang linawin din sa taumbayan ang mga nilalaman nito bago maisabatas.

Bubusisiin ko ang kabuuan ng BBL para tunay na sustantibo ito. Hihimay-himayin ng aking komite ang mga probisyon at bawat pahina nito. Anuman ang magaganap na talakayan sa mga committee hearing ay hindi ikukubli sa publiko. Karapatan ng bawat Pilipino na masubaybayan ang mga nangyayari sa loob ng komite kaya kailangan transparent. Sabagay, susundan ito ng media at alam kong tapat nilang ibabalita ang lahat.

Magsasagawa rin ako ng public hearings sa mga lugar na pinangyarihan ng madugong labanan sa Mindanao. Ilan sa mga iniisip ko ay Marawi, Cotabato, Zamboanga, Jolo, at Tawi-Tawi.

Sa kabuuan, lilikumin ko ang lahat ng mga testimonya at gagawin ko itong matalinong basehan sa pagbubuo ng committee report na isusumite ko sa Senado. Ang BBL ang dokumentong nakalapit ng husto sa pintuan ng kapayapaan para sa Mindanao. Napakahalagang pagkakataon nito para maisulong ang kapayapaan sa sa lahat ng panig kaya’t kailangan nating pag-ingatan,pag-aralan at tutukan. Magtulungan tayong maisakatuparan ang prosesong ito para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Mindanao at ng ating bayan.

Back to Blog