Balwarte ng LP na Occidental Mindoro, mala-Solid North ang salubong kay Bongbong Marcos

Nagulat si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa “mala-Solid North” na pagsalubong na ibinigay sa kanya ng mga residente at ilang opisyales ng lalawigan ng Occidental Mindoro na sinasabing balwarte ng Liberal Party.

Dagsa ang mga taong sumalubong sa “Unity Caravan” ni Marcos sa kanyang paglibot sa bayan ng Sablayan at San Jose City at natuwa ang senador na marami sa mga ito ay mga Ilokano.

Sa bayan ng Sablayan inindorso ng ilang kilalang pulitiko ang kandindatura ni Marcos bilang bise presidente, tulad nina A TEACHER (Advocacy for Teacher Empowerment Through Action, Cooperation and Harmony Towards Educational Reforms, Inc,) party list Rep. Juliet Cortuna at Sablayan Mayor Eduardo Gadiano.

“Nung dumating ako dito akala ko ay nagkamali kami at napapadpad kami sa Iloos Norte dahil marami sa mga sumalubong sa akin ay mga Ilokano. Salamat sa napaka-init na pagsalubong ninyo sa akin,” ani Marcos na sinalubong ng pagbubunyi ng tinatayang 6,000 katao sa Sablayan Astrodome.

Sa isang rally sa plaza ng San Jose City naman, libo-libong mga residente ng lungsod at mga katabing bayan tulad ng Rizal, Magsaysay at Calintaan ang sumalubong din kay Marcos.

Sa naturang pagtitipon, nagpahayag din ng suporta sa kandidatura ni Marcos ang mga haligi ng kalakalan sa probinsya na pinangungunahan ni Pag-asa Grains Center, Inc. president Cresencio Tiu, at mga kilalang pulitiko tulad ni Calintaan Mayor Renato Paulino.

Ayon kina Tiu at Paulino, ang plataporma ni Marcos na nagbibigay suporta sa agrikultura at pondo para sa basic infrastructure ay kinakailangan para sa patuloy na pag-unlad hindi lamang ng Occidental Mindoro kundi maging ng buong bansang Pilipinas.

Bilang tugon, nangako si Marcos na isusulong ang mga polisiya para sa agrikultura tulad ng libreng patubig, dagdag na irigasyon, murang pautang, mas magandang mga binhi, at dagdag na farm-to-market roads sa mga lugar kung saan higit na kailangan ang mga ito.

Dahil sa kanyang 27 taong karanasan sa serbisyo publiko sinabi ni Marcos sa mga taga Occidental Mindoro na handa na siyang harapin ang mas malaking responsibilidad bilang bise presidente ng bansa.

Maliban dito muli ding isinulong ni Marcos ang kanyang panawagan para sa pagkakaisa ng bansa dahil ito lamang aniya ang solusyon para matagumpay nating harapin ang maraming problema ng bansa at makausad ito para sa mas magandang bukas para sa lahat ng Pilipino.

Back to Blog