Balita Online – Sen. Sotto, unang naghain ng panukala; Nancy, pinakamarami

By Mario Casayuran at Leonel Abasola | Balita Online

Mistulang karera ng kabayo na nagpabilisan ang 24 na senador sa paghahain ng mga panukala sa unang araw ng kanilang panunungkulan sa Mataas na Kapulungan bago ang pormal na pagbubukas ng 16th Congress sa Hulyo 22.

Lumitaw na pinakamaagap pa rin si Sen. Vicente Sotto III sa hanay ng mga senador dahil siya ang unang nakapaghain ng panukala sa Senate Bills and Index Office, na dinaan sa raffle ang pagtatalaga ng numero para sa bawat mambabatas para matiyak na maayos ang proseso.

Habang si Sen. Nancy Binay ang may pinakamaraming panukala na naihain na umabot sa 15.

Kabilang sa mga nais ni Binay ay ang pagtatatag ng child care facilities sa mga pribado at pampublikong tanggapan, programa para sa mga nakakulong na magulang at mga anak, gender sensitivity training sa lugar ng trabaho, libreng medical at dental services, proteksiyon ng mga paaralan laban sa sex offenders, at pag-amyenda sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Law.
Sa mga nakalipas na taon, halos hindi natutulog ang staff ng mga senador para mauna sa paghahain ng panukala.

Kahapon ang unang araw ng trabaho para sa lahat ng mga senador ngayong 16th Congress—bagong halal man, re-elected o naihalal noong 2010.

Kasunod ni Sotto sa mga unang naghain ng panukala sina Senators Loren Legarda, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Francis “Chiz” Escudero.

Naghain din ng mga panukala kahapon sina Senators Jose ‘’Jinggoy’’ Estrada, Aquilino Pimentel III, Pilar ‘’Pia’’ Juliana S. Cayetano, Cynthia Villar, Franklin M. Drilon, Sergio Osmena III, Ramon ‘’Bong’’ Revilla Jr., Juan Ponce Enrile, Miriam Defensor Santiago, Juan Edgardo ‘’Sonny’’ Angara, Gregorio Honasan II, JV Ejercito, Teofisto Guingona III, Grace Poe, Nancy Binay, Manuel ‘’Lito’’Lapid, Alan Peter S. Cayetano at Ralph Recto.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, wala pa ring kinatawan ang bagong halal na si Sen. Bam Aquino sa Senate Bill and Index Office.

Back to Blog