Bakit walang nakukulong na mga big-time drug lords?

Read the English version.

Nagtataka si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kung bakit madulas pa rin ang mga big-time drug lords at patuloy na namamayagpag samantalang marami sa kanila ay kilala na ng mga awtoridad.

“Alam natin kung sino sila—itong mga drug lords na ito. Hindi siguro aaminin ng PDEA sa publiko pero pag kinausap mo yung mga opisyal nila ibibigay sa iyo ang listahan ng mga drug lords,” ani Marcos sa isang forum matapos siyang magsalita sa pagpupulong ng Rotary Club of Pasay nitong Miyerkules.

“Bakit hindi natin sila arestuhin, ikalaboso, at itapon ang susi?” ani Marcos.

“Ayon sa 2014 annual report ng PDEA may 2 manufacturer at 2 financier ang kabilang sa kabuuang 13,792 mga naaresto ng taon na iyon dahil sa pagkasangkot sa iligal na droga.”

Niliwanag ng Senador na hindi naman niya sinasabing huwag nang mag-operate ang mga awtoridad laban sa mga tulad ng pusher at mga drug den kundi itutok ang kanilang gawain sa pagsugpo sa big-time drug lords at mga sindikato.

“Ito ay dahil hindi lamang sa iligal ang kanilang gawain kundi dahil sa ang binibiktima nila ay ang mga kabataan; sinirira nila ang buhay ng ating mga kabataan,” pagdidiin ng Senador.

Malaki umano ang epekto nito sa ating bansa ani Marcos dahil na rin sa kasabihan na “Ang Kabataan ang pag-asa ng bayan”.

“Kung wasakin ang buhay ng mga kabataan, wala tayong kinabukasan, o kaya ay hindi maganda ang ating kinabukasan,” ani Marcos.

Ang problema, anang Senador, ay dahil sa laki ng pera ng mga drug lords, pwede nilang bilhin ang mga tiwaling opisyal at mga awtoridad.

Para mapalakas ang kampanya laban sa iligal na droga, panukala ni Marcos na dagdagan ang suporta sa mga awtoridad hindi lamang sa pondo, pasilidad at kagamitan, kundi maging sa dagdag na pagsasanay.

“Napabayaan nating lumaki ang problema ng iligal na droga. Palagay ko panahon na, na itutok natin ang kampanya laban sa malalaking isda,” giit ni Marcos.

Back to Blog