Bagong DoJ acting secretary dapat tutukan ang kaso sa Mamasapano massacre

Read the English version.

Nanawagan si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa bagong acting secretary ng Department of Justice na tutukan ang kaso kaugnay sa January 25, 2015 Mamasapano massacre kung saan nasaawi ang 44 na miyembro ng Special Action Force para maisampa na ang kaso sa mga suspek.

Nangangamba si Marcos na dahil sa madalas na pagpapalit ng liderato sa DoJ baka lalo lamang mabinbin ang progreso ng isinasagawang preliminary investigation sa naturang kaso.

“Sana naman ay hindi matengga ang preliminary investigation sa Mamasapano massacre dahil sa nakita nating parang musical chairs sa DoJ. Isang taon na ang nakaraan simula nung mangyari ang madugong insidente pero hanggang ngayon ay wala ni isang kasong naisampa sa korte laban sa mga responsible dito,” ani Marcos.

Hinirang ng Malacañang na bagong acting Justice Secretary si Undersecretary Emmanuel Caparas matapos ma-appoint bilang bagong Supreme Court Associate Justice ang nakaupong acting secretary na si Alfredo Caguioa.

Matatandaang may tatlong buwan pa lamang ang nakararaan matapos ilagay si Caguioa sa DoJ para palitan ang umalis na si former secretary Leila De Lima.

“Nagtataka ako kung bakit hanggang ngayon ay wala pa tayong naririnig na magandang development dito sa kaso samantalang marami namang ebidensyang nakalap ang mga imbestigador at may mga eyewitness account at video pa,” ani Marcos.

Nauna rito hiniling ng senador sa Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na imbitahan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano massacre sa January 27 sina De Lima at National Bureau of Investigation Director Atty. Virgilio Mendez.

Ayon kay Marcos, nais nyang malaman mula sa dalawa kung ano na ang nangyari sa kaso sa Mamasapano massacre.

Patuloy na kinukulit ni Marcos ang DoJ para bilisan ang preliminary investigation nito sa naturang kaso. Aniya, walang anumang hinihiling ang pamilya ng SAF 44 kundi katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Back to Blog