Babala sa publiko hinggil sa sindikatong nanghihingi ng pera kapalit ng umano’y biyaya mula sa mga Marcos

Muli na naman akong nakatanggap ng impormasyon na patuloy pa ring gumagala ang sindikato na gumagamit sa akin at sa aking pamilya upang makapanghingi ng pera kapalit umano ng malaking biyaya mula sa mga Marcos.

Inuulit ko, scam ang mga ito at huwag kayong magpaloko dahil kalian man, kahit minsan, hindi nanghingi ng pera kaninuman ang mga Marcos, o ang aking pamilya, o maging ako mismo.

Hindi namin naging ugali ang ganitong bagay.
Sa report na aking natanggap, may grupong gumagala sa Lopez, Quezon at nanghihingi ng pera sa mga inosenteng mamamayan kapalit umano ng pangakong bibigyan sila ng malaking halaga ng pera o kayamanan mula sa mga Marcos.

Nanghihingi umano sila ng halgang P100 hanggang P150 para sa application paper at pagdating umano ng yaman ng mga Marcos ay bibigyan sila.

Ako ay nananawagan na huwag kayong magpabiktima sa mga taong ito dahil hindi namin sila inutusan, wala kaming kinalaman sa kanilang gawain, wala kaming kaugnayan sa kanila, at hindi naming sila kilala.

Kung may lalapit sa inyo at manghihingi ng pera para sa application paper, ID, certificate, clearance, o anupamang papeles para maging miyembro kayo ng kanilang grupo na mabibigyan, ayon sa kanila, ng biyaya galing sa mga Marcos, huwag kayong maniwala dahil walang katotohanan ang kanilang ipinapangako.

Agad ninyong isumbong sa kinauukulan ang mga ito dahil labag sa batas ang kanilang gawain at ipagbigay-alam ninyo agad sa akin upang makasuhan natin ang mga ito hanggang sa makulong at hindi na muli makapanloko.

Back to Blog