Ayuda para sa magsasakang biktima ni Lando, ibuhos

Read the English version here.

Para makabangon muli ang mga magsasakang biktima ng bagyong Lando dapat ibuhos ng pamahalaan ang ayudang ibibigay sa kanila, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Hindi dapat matapos sa pamimigay ng relief goods ang pagtulong sa mga biktima ng bagyo. Dapat mabigyan ng sapat na tulong ang mga magsasaka na makapagtanim muli at makapag-trabaho para tuluyan silang makabangon sa trahedyang ito,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos kabilang sa mga tulong na pwedeng ibigay ng pamahalaan ay ang murang pautang sa mga magsasaka para makapagsimula sila ulit.

Ilan lamang sa maaring takbuhan ng mga magsasaka para dito ay ang programang Sikat Saka ng Department of Agriculture, ayon sa senador.

Pwede rin umanong makahiram ng puhunan ang mga magsasaka sa Agro-Industry Modernization Credit and Financing Program (AMCFP), Agri-Microfinance Program at Cooperative Banks Agri-Lending Program na lahat ay nasa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council.

“Pero dapat padaliin ang proseso para dagliang makarating ang tulong sa ating mga magsasaka,” ayon kay Marcos.

Kaugnay sa pautang, dapat din umanong mabigyan ng crop insurance mula sa Philippine Crop Insurance Corporation ang mga magsasakang biktima ng bagyo para masiguradong makakabangon na sila muli, dagdag pa ng senador.

Kabilang sa mga pwedeng isailalim sa crop insurance ang palay, mais, livestock, palaisdaan, high-value crops, at maging ang mga makinaryang ginagamit sa pagsasaka.

Maliban dito sinabi ni Marcos na dapat pakilusin ng DA ang mga technicians nito para matulungan ang mga magsasaka na malaman kung anong diskarte ang dapat nilang gawin para pakinabangan pa ang mga lupaing nalubog sa baha at nabalot ng putik.

Nauna dito sinabi ni Marcos na dapat gamitin ng ahensya ang pondo nito para mamigay ng binhi sa mga magsasaka bilang paunang tulong sa kanilang pagbangon matapos ang kalamidad.

Back to Blog