Ayuda ng DFA at OWWA sa pamilya ng mga OFW na nasawi sa aksidente sa Saudi ibigay agad

Read the English version here.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Overseas Workers Welfare Adminisration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) na siguraduhin ang mabilis na aksyon at ayuda sa mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasawi sa aksidente sa Saudi.

Ayon sa paunang ulat, hindi bababa sa 11 Filipino ang namatay matapos na salpukin ng isang delivery truck ang coaster na sinasakyan ng mga manggagawang Pinoy sa Al-Asha, isang probinsya sa Eastern Saudi Arabia, habang pauwi na sana sa kanilang barracks.

“Dapat asikasuhin agad ng DFA ang lahat ng kailangan para maiuwi sa pinakamadaling panahon ang labi ng mga namatay nating kabababayan. Asikasuhin na rin ng OWWA na mapabilis ang pagbibigay ng karampatang ayuda sa pamilya ng mga nasawing OFW at pati sa mga nasaktan,” ani Marcos.

“Pagkalinga ng gobyerno ang nararapat na madama ng pamilya ng mga nasawing OFW sa panahon ng kanilang pagdadalamhati,” giit ng Senador.

“Nakakalungkot na sinapit nila ang ganitong kapalaran sa pagsisikap na mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya. Kaya naman sana ay huwag na tayong makarinig ng mga reklamo na hindi sila inaasikaso ng pamahalaan,” ayon kay Marcos.

“Dapat makatanggap ng aabot sa P220,000 ang pamilya ng OFW na miyembro ng OWWA kung nasawi ito dahil sa aksidente. Tatanggap din mula sa OWWA ng educational assistance ang mga naiwan ng OFW na P5,000 para sa pag-aaral sa elementary, P8,000 sa high school, at P10,000 para sa college kada school year maliban pa sa P15,000 na livelihood assistance sa asawa nito.”

Ayon kay Marcos, “Mas maganda sana kung gagawin ng gobyerno lahat ng paraan upang dumami ang trabaho sa bansa upang hindi na kailangang magsakripisyo pa ang marami nating kababayan na umalis ng bansa upang masuportahan ang kanilang pamilya.”

Matatandaang sinabi ni Marcos na kung mananalo bilang Bise President sa halalan 2016 at papipiliin kung anong pwesto, Department of Labor and Employment ang tinukoy ng Senador dahil umano may konkreto na siyang plano para dumami ang trabaho sa bansa at para na rin magkaroon ng karapat-dapat na proteksyon ang ating mga mga manggagawa.

Back to Blog