Audit ng Malampaya Fund hiniling ni Sen. Marcos; 40% hati ng Palawan dapat ibigay

Dapat umanong magsagawa ang susunod na administrasyon ng malinaw na audit ng koleksyon at paggamit sa Malampaya Fund hindi lamang para masiguradong maayos itong ginagastos kundi pati na rin para maibigay ang karampatang kahati ng probinsya ng Palawan sa pondong ito, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Sa ilalim ng Local Government Code dapat makatanggap ang Palawan ng 40 porsyento ng Malampaya Fund pero hanggang ngayon ay wala pang natatanggap ang ang probinsya mula sa naturang pondo.

Sa isang ambush interview sa Puerto Princesa City kung saan dumalo bilang guest speaker sa “Balayong Festival” sinabi ni Marcos na hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ng malinaw ng gobyerno kung saan napupunta ang Malampaya Fund.

“Ilang taon na naming hinihingi sa kanila ang accounting hindi maibigay-bigay. Hindi nga makakuha ang local share dahil hindi namin talaga alam kung ano ba talaga ang nakukuha ng national government. So yun ang problema, itinatago sa atin yung kinikita,” ani Marcos.

Kung hindi malinaw kung magkano ang kinikita ng gobyerno sa Malampaya Fund hindi rin malalaman kung ano ang karampatang kahati ng Palawan dito, ayon sa senador.

Magkakaiba ang mga datos ng binibigay ng mga opisyal ng gobyerno sa kung gaano na kalaki ang koleksyon mula sa Malampaya. Ayon sa ilang ulat umabot sa P210 bilyon noong April 30, 2015 ang kabuuang natanggap ng gobyerno sa Malampaya Fund kung saan may P42 bilyon ang nagamit, kayat may natirang P168 bilyon. Subalit sinabi rin ng isang mambabatas na hindi malinaw kung saan napunta ang ginastos na P32 bilyon.

Naniniwala si Marcos na magiging prioridad ng susunod na administrasyon ang pag-accounting ng Malampaya fund. “Pero palagay ko sa susunod na administrasyon maaasahan ng taga-Palawan na mahahanap na yung mga itemized na accounting na ganyan at kung anuman ang dapat pumunta sa Palawan, kahit sa mga nakaraang taon ay dapat ibigay,” said Marcos.

Ang sitwasyon ng Palawan, ayon kay Marcos, ay hindi naiiba sa ilang local government units sa bansa na nagrereklamong kung hindi mahirap makuha ay talagang hindi na nila natatanggap ang 40 porsyentong kaparte nila sa exploration at paggamit sa natural resources sa kanilang lugar, o sa “national wealth tax”.

Kaugnay sa kanyang adbokasiya sa kapakanan ng mga local government unit (LGU) nagsampa ng Senate Bill No. 133 si Marcos na naglalayong gawing automatic ang appropriation at pag-release ng 40 porsyentong kaparte ng mga LGU sa national wealth taxes.

Back to Blog