Araw ng Pinaglabanan

Speech-Pinaglabanan
Talumpati ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Agosto 30, 2010

Maraming salamat sa ating tagapagpapakilala…kagalang-galang Representante Joseph Victor Ejercito, kagalang-galang at masipag na Mayor ng San Juan city Guia G. Gomez, sa iba pang panauhin at mga makabayang mamamayan ng Lungsod ng San Juan.

Sa ngalan ng aking pamilya, ipinaaabot ko po ang malugod na pagbati sa inyong lahat sa matagumpay na pagdiriwang sa “Araw ng Pinaglabanan”.
————****———–
Eksaktong labing isang (11) dekada at apat na taong singkad na ang nakakaraan (Agosto 30, 1896) nang unang dumanak ang dugo ng ating mga bayani sa lugar na ito na tinatawag noon na San Juan del Monte.

Pinangungunahan nina GAT Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsalakay sa Garison ng mga Espanyol bandang alas-kuwatro (4:00AM) ng medaling araw kaya’t nadilig ng dugo ang lansangan nang suminag ang haring araw noong Agosto 30, 1896 sa San Juan del Monte.

Napatay ng mga Katipunero ang Kumander ng mga guwardiya sibil pero nang dumating ang reinforcements ay napuwersang umatras din ang mga makabayan.

Nasukol ang mga anak-pawis sa tabi ng ilog sa Sta. Mesa. Nagsilangoy ang ilang Katipunero upang makaiwas pero nagbabantay sa pampang ng ilog ang mga guwardiya sibil. Ang ilan ay sumakay sa Bangka pero hinabol sila ng mga gunboats at ang nakasampa sa lupa ay inabutan ng mga nakakabayong kalaban.

Nanag mapawi ang alikabok, isangdaan at limampu’t tatlo (153) Katipunero ang nagbuwis ng buhay at animnapu’t apat (64) ang nabihag pero kinabukasan inihilera silang lahat sa firing squad sa Luneta upang maging mga unang martir sa Bagumbayan.

Malagim ang sinapit ng mga Katipunero sa Battle of Pinaglabanan…Nasundan pa ito ng maraming sagupaan…pero nagbinhi ito ng hindi matatawaran pag-ibig sa inang bayan…at nagsilbing inspirasyon upang makatikim ng kalayaan ang ating republika.

Ang demokrasyang ating tinatamasa ngayon ay pinaglihi sa dugo at pawis ng ating mga ninuno. Dapat nating ingatan ito sa pamamagitan ng pagbibigay proteksiyon sa kalayaan at pantay – pantay na pagtrato sa mga mamamayan.
Sa ngayon…nahaharap pa rin tayo sa walang katapusang digmaan sa pagpapanatili ng demokratikong proseso, kalayaan mula sa kahirapan…at impluwensiya ng mga dayuhan… upang makatikim tayo ng awtonomiya na pangasiwaan ang ating mga pamayanan…nang may kapayapaan.

Ang kalayaan ipinagkipaglaban ng mga katipunero ay inagaw din ng mga mananakop na American at Japanese forces…pero nang magsilayas ang mga ito, nagsimula naman ang walang katapusang labanan… kontra sa korapsiyon, pang-aabuso sa katungkulan…,pang-aagrabiyado sa mga kapus-palad…at pagkagapos sa tanikala ng kahirapan ng buhay.

Ang panukalang batas na nagbubunsod sa pagpapaliban sa barangay eleksiyon…at pagrere-istruktura ng sangguniang kabataan…ay isang pagtatangka natin na tulungan ang gobyerno na makatipid sa gastusin at iligtas ang hanay ng kabataan na matukso sa imoralidad na pagnanakaw sa kaban ng bayan bagkus ay pasiglahin ang kanilang pag-ibig sa bayan – upang pagdating ng panahon – sila naman ang maging mga bayani sa susunod na henerasyon.

Ilang araw lamang ang nakakaraan, panibagong pagsubok sa katatagan ng ating republika ang malagim na pagtatapos ng hostage-taking sa Luneta Park kung saan nasawi ang walong turistang tsino.

Nakikidalamhati po tayo sa mga naulila ng mga biktima kung saan nalagay sa balag-ng-alanganin ang reputasyon at dignidad n gating bansa sa mata ng daigdig.

Isang panibagong digmaan ito na dapat nating sama-samahang resolbahin upang maipreserba natin ang katatagan n gating republikang minana natin sa ating mga bayani.

Hindi kailanman natatapos sa battle of Pinaglabanan ang mga pagsubok…at nananatiling isang malaking paghamon ang paghahandog ng buhay ng mga katipunero.

Wala tayong maaaring dapat gawin kundi itanim ang puntod na ito ng kanilang kadakilaan…sa loob mismo n gating mga puso at kaluluwa…bilang pagpapahalaga sa walang kapintasang pagsasakripisyo ng buhay…pero nagluwal naman ng isang dakilang republika.

Maaaring sa pagdating ng panahon ay mabura na rin sa alaala ang kabayanihan ng mga Katipunero…pero tayong mga nabubuhay ngayon ay may obligasyong…ituloy ang kanilang sagradong adhikain.

Nasa kamay natin ngayon kung makakamit pa ang katuparan ng kanilang mga pangarap…upang hindi masayang ang pag-aalay ng kanilang buhay – alang-alang sa minamahal nating bansa… at sa tulong ng dakilang lumikha – sana’y muling maging dakila ang ating republika at sa pag-uunawaan…, pagmamalasakit sa kapwa… at pag-ibig sa tinubuang lupa…Magagawa natin ang paulit-ulit na sinasabi ng aking ama ng siya ay nabubuhay pa…”This nation can be great again”…

Sa gitna ng mga kahihiyan at pagdarahop—tulong –tulong po tayong ibangon muli ang ating inang bayan!!!

Maraming salamat po at magandang umaga!!!

[youtube]http://www.youtube.com/watch?v=TbS1ahFv_tc[/youtube]
Back to Blog