Araw ng Magsasaka – Niyogyugan Festival

Ako po si Senator Bongbong Marcos. Ako po’y hindi kasama sa programa. At ako’y nandito upang makipag-usap sa ating mga kabataan. Sa kanilang leadership conference. Ngunit, noong nabanggit sa akin ng ating mabutihing Gobernador, Governor Jayjay na nandito, na mayroon daw farmer’s convention ay sabi ko kung puwede lang, nakiusap ako kung maaari lang mag gate crash at makausap ko ang mga magsasaka ng iyong lalawigan ng Quezon. Dahil mayroon akong ibabalita sa inyo na aming ginagawa sa Senado tungkol sa isang bagay na napaka importante para sa mga nagsasaka ng niyog, hindi lamang dito sa Quezon kung hindi sa buong Pilipinas.

Alam niyo po, ako po ay sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnay sa coconut farmers at coconut industry dahil aming binabantayan ng mabuti ang nangyari sa Coco Levy Fund at nabanggit lang sa akin ng ating mabutihing bokal, pambihira itong farmers convention ninyo, pang showbiz itong para sainyo. Sabi ko puwede bang pulitiko diyan dahil hindi naman ako marunong kumanta, hindi naman ako marunong umarte, pero maraming nagshoshowbiz dito. Ngunit sinabi sa akin ni Bokal Estrada na 18% ng buong Coco Levy Fund ay dito pala galing sa lalawigan ng Quezon. At ang nangyari doon sa Coco Levy Fund, hinusgahan ng Supreme Court na ang pag-aari ng Coco Levy Fund ay sa gobyerno ngunit bilang tinatawag na “Trust Ownership”. Ang ibig sabihin ng “Trust Ownership” ay hindi maaaring gamitin iyong perang iyan kung hindi para sa mga magsasaka ng niyog para sa industriya sa coconut industry at sa kanilang pamilya. Ngunit ang ginawa ng Palasyo nag-issue ng executive order na ilipat ang mga asset at mga pera ng Coco Levy Fund, ililipat sa treasury. Ang problema, kaya namin tinutulan ito dahil ang problema doon, pag napasok sa general fund or sa treasury, hindi na malalaman, puwede na gamitin sa ibang bagay iyon na hindi para sa mga magsasaka at hindi para sa industriya ng niyog.

Kaya’t kinasuhan naman ito at sa awa ng Diyos pinagbigyan tayo ng Supreme Court na TRO iyong paglipat. Ngayon gumagawa kami, kasalukuyan gumagawwa kami ng batas upang maging maliwanag sa kahit sino man na ang Coco Levy Fund, kahit na ito’y pag-aari ng pamahalaan, ito ay maari lamang gamitin para sa mga coconut farmers, ang kanilang pamilya, para sa industriya ng niyogan.

Para saan namin pinopropose gamitin itong pera na ito. Napaka laking pondo. Baka hindi ninyo alam,, pagka pinag sama-sama ninyo lahat ng pondo ng Coco Levy Fund ay mahigit kumulang mga dalawang daang bilyong piso. Kaya’t pinagiinteresan ng kung sino-sino. Kaya’t ito’y tinitiyak nga namin na hindi malusaw, na hindi mawaldas, at hindi nga magamit kung hindi nga para sainyo mga nagsasaka ng niyog.

At sa ngayon ang aming ginagawa ay mayroon kaming nilalakad na batas upang maging maliwanag na ang gamitin lamang ang Coco Levy Fund, iyong interes para pataasin ang insurance ng ating mga coconut farmers. At pati iyong health insurance para sa kanilang pamilya. Pati na para sa re-planting, dahil medyo matatanda na iyong ating mga niyog at kailangan ng palitan. Kailangan ng mag re-planting. Dapat doon gagamitin. Pangatlo, magtayo ng institute para pag-aralan ang iba’t-ibang maaring gawin sa niyog at iba’t-ibang pamamaraan para sa pag proseso ng niyog ng magamit na bilang coconut products.

Bukod pa roon, ay mayroon pa kaming pinopropose na lahat ng distrito na mayroong nagsasaka ng niyog ay lalagyan ng isang processing center. Bakit naman ginagawa ito? Ginagawa namin ito dahil para sa akin ang sector ng agrikultura sa kasalukuyan ay naghihingalo kaya’t kailangan natin tulungan. Marami tayong naririnig tungkol sa palay, tungkol sa mais, ngunit ang nangyayari lamang ay naiimport natin. Sa palagay ko dahil iyong mga kapitbahay natin sa ASEAN, magagaling na sila at mababa cost ng production nila, malaki ang kanilang ani. Kaya’t kung minsan hindi tayo makapag-compete. Hindi na tayo puwedeng makipag kumpetensya sa kanila. Ngunit sa sector ng coconut industry, walang puwedeng sumabay sa atin sa buong mundo. Ang Pilipinas ang pinaka mapalad na bansa sa buong mundo pagdating sa pagsasaka ng niyog at pagdating sa pagproseso ng industriya ng niyog. Kaya’t ito sa palagay ko magbibigay ng bagong sigla at bagong buhay para sa ating sector ng agrikultura na sa palagay ko sa aking pananaw ay ang pinaka importanteng sector sa ating ekonomiya na hindi maaaring magkaroon ng matibay na ekonomiya kung hindi matibay ang sector ng agrikultura. Kaya’t asahan ninyo na kayong mga magsasaka ng niyog, kayong magsasaka na bumubuhay ng sector ng agrikultura, kung mamarapatin ninyo, ako’y paglalaban ko ‘ho, hindi lamang sa Senado, kung hindi sa lahat ng mga matataas na opisyal, sa mga matataas na opisina. Ipaglalaban natin ang inyong karapatan, ang inyong kapakanan, at ang inyong kabutihan. Para matulungan ang mga magsasaka na siyang nagbubuhay na sitenta pursyento ng ating bansa. Kaya’t ako’y namili na mag gate crash sa inyong programa para ibahagi sainyo at makapag report ako sainyo na mayroon namang nangyayari. Mayroon ng dahan-dahan nagiging progreso, at sa tulong ninyo, sa suporta ninyo, sa pagkakaisa natin magagawa natin ito, makikita natin ito na magiging mas maganda, mas progresibo, mas malawak, mas masigla ang ating industriya ng coconut industry. Hindi lamang coconut industry, pati iyong mga magsasaka at ang kanilang pamilya at ang buong agricultural sector.

So iyon lang po at sana naman ito’y magbibigay sainyo ng kaunting pag-asa na hindi na siguro tatagal pagdating ng panahon ay mararamdaman ninyo iyong pinagityagaan ninyo, ang pinagsakripisyuhan ninyo ay babalik din sainyo iyong mga malaking pondo ng Coco Levy Fund upang tulungan kayo upang pagandahin ang coconut industry, upang pagandahin ang agricultural sector, ng buong Pilipinas. Iyon lang po. Maraming maraming salamat po. Maraming salamat at Gov. Jayjay, Congressman Danny binigyan ako ng pagkakataon makapagsalita sainyo. Maraming salamat po at magandang hapon po sa inyong lahat.

Back to Blog