Araw ng Agrikultura

Magandang umaga po sa inyong lahat! Maraming salamat po sa inyong mainit na pagbati!

Kitang-kita mula sa inyong mga ngiti at inyong mga mukha na parang kagagaling ninyo lang sa ulap, at lubos ang inyong kilig at kasiyahan kahapon sa okasyon ng Araw ng mga Puso.

Ngayon naman, mula sa alapaap, balik na naman tayo sa LUPA: sa lupa na ating sinasaka at tinatamnan; sa lupang ating pinagkukunan ng hanapbuhay; at sa lupang nagbibigay sa atin ng sustansya at malusog na pangangatawan.

Akin pong ikinagagalak at ikinararangal na maanyayahan at makapunta rito sa lalawigan ng Aurora upang makisalo sa inyong pagdiriwang ng “Araw ng Agrikultura”.

At napakaganda po na kasunod ng Valentine’s day o Araw ng mga Puso ang pagdiriwang ninyo. Para bang ang pahiwatig nito ay sadyang MALAPIT SA PUSO natin, at ating TUNAY NA MINAMAHAL, ang ating AGRIKULTURA.

Tama po ito. Walang duda. MAHAL NATIN ANG ATING AGRIKULTURA. MAHALAGA SA ATIN ITO, SA ATING BANSA, PARA SA ATING KINABUKASAN, AT PARA SA ATING SUSUNOD NA HENERASYON.

Ngunit gaano man ito kahalaga sa atin, gaano man natin ito kamahal, tila iba ang mga pinapakita ng estadistika at mga hudyat ng lipunan.

Pababa nang pababa ang lebel ng agrikultura sa bansa. Kung noong pagkatapos ng giyera, 30% ang kontribusyon ng agrikultura sa ating ekonomiya, ngayon ay nasa 11% na lamang.

Ang masaklap pa rito, nauugnay ang agrikultura sa matinding kahirapan. Sa lahat ng mga manggagawa sa buong Pilipinas, pinakamababa ang sahod ng mga nasa sektor ng agrikultura. At marami sila: 37% ng manggagawang Pinoy ay nasa sektor ng agrikultura, kung kaya naman matindi ang kahirapan sa sektor na ito.

Kung ating kikilatisin ang takbo ng buhay ng magsasaka, maiintindihan natin kung bakit lugmok sa kahirapan ang sektor.

Problema ng magsasaka ang makakalap ng sapat na puhunan. Sa kakulangan ng puhunan, mapipilitang mangutang. Madugo na ang mga requirements, mataas pa ang interes. Isasangla ang lahat, lupa, kalabaw at ang magiging ani—kulang na lang ay isangla ang sariling kaluluwa.

Kung papalaring makapagtanim, hirap namang makabawi. Unang-una, dahil sa climate change, hindi lang dumami ang mga bagyo, kundi tumindi rin ang lakas at pinsala. Halimbawa na lang itong si bagyong “Lando”, na hinagupit at winasiwas ang Aurora.

Mayroon nga po akong isang staff na taga-Aurora (si Rose Ignacio), taga-Dipaculao siya. Ilang araw na lang bago anihin ang kanilang tanim na palay, tapos, sa isang iglap, bigla na lang pababagsakin ni “Lando”.

Sa katunayan, matindi rin po ang sinapit ng agrikultura namin doon sa lalawigan ng Ilocos Norte. Tinamaan din ang malas ng magkasunod na bagyong si “Ineng” at “Lando”.

Pangalawa, sadyang mas mataas ang presyo ng mga “farm inputs” kumpara sa mababang presyo ng bentahan ng palay. Pababaan ang labanan. Matapos manalasa si “Lando”, lalo pang binarat ang mga magsasaka sa natitira nilang ani. Kesyo “state of calamity” raw kasi. Mas malala pa sa “double-blackeye”, “triple blackeye” ang sinapit ng magsasaka. Biktima na ng mataas na bilihin at kapitalismo, tapos, dalawang beses pang mabibiktima ng kalamidad. Suwerte na lang ang iba kung balik-puhunan, pero marahil ang karamihan ay nalugi—at nabaon sa utang.

Sa larangan ng irigasyon, walang “emergency fund” para sa pagpapagawa at pagkumpuni sa mga irigasyon na nasira ng kalamidad. Tingi-tingi rin ang implementasyon ng mga malalaking irrigation projects.

Tapos, naglipana ang mga murang produkto na galing ibang bansa na inaangkat dito sa mababang halaga, gawa ng globalisasyon at ng ASEAN integration. “Smuggled” pa nga ang iba! Paano makaka-kompetensya ang Pinoy na magsasaka? Tiyak na lampaso sa labanan sa merkado. Kung dati ay kilalang PRODUCER ang Pilipinas pagdating sa agrikultura, ngayon tayo na ay mas kilala bilang IMPORTER! ‘Di pa nakontento sa pagiging importer, “notorious” AGRICULTURAL SMUGGLERS pa nga ang ibang mga halang ang bituka!

Kaya hayun! Ang magsasaka, left-and-right na biktima ng kapitalismo at ng pandaigdigang-pangangalakal. Biktima ng prinsipyo ng “BUY-LOW, SELL-HIGH” na naghahari ngayon sa merkado, at kilalang-kilala at epektibong technique ng kapitalismo.

Ang payo ng mga ekonomista at mga dalubhasa: TODOHIN ang paglago ng agrikultura sa bansa. Ipanumbalik natin ang estado ng bansa bilang isang higante sa larangan ng agrikultura!

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ating Department of Agriculture (DA). Bukod sana sa kanyang tradisyunal na mga serbisyo, dapat mapag-aralang mabuti ang tunay at kabuuang takbo ng sistema ng agrikultura sa kanayunan. Sa kanilang pag-aaral, dapat ay tingnan nila ang mga problema mula sa punto-de-bista ng mga magsasaka.

Dapat ay magkaroon na ng kasagutan kung paano tataas ang produksyon at gaganda ang kita ng mga magsasaka!

‘Wag naman sana silang maging kawawang biktima lamang ng komersyo, na tila-“hostage” ng matataas na presyo ng “farm inputs” at ng malupit na kalakaran sa pagbili ng kanilang mga ani.

Mahalaga rin ang papel na gagampanan ng Cooperative Development Authority (CDA) dito.
Kung ma-organisang mabuti ang mga kooperatiba ng mga magsasaka, lalakas ang kanilang kapangyarihan sa negosasyon at sa merkado.

Pinupuri ko ang pamahalaang lalawigan ng Aurora dahil sa magandang tradisyon na nasimulan dito sa inyong Araw ng Agrikultura.

Mahal natin ang ating agrikultura—‘ika nga, “Maging Sino Ka Man”. Batid natin ang kahalagahan nito sa atin, kahit pa na maraming suliranin at mga kapintasan. Katulad ng paghahalintulad natin sa pagmamahalan, mahalaga pa ring ginugunita ang “wedding anniversary” at ang anibersaryo ng mag-boypren-at-gelpren, kahit namomroblema na o “on the rocks” na ang kanilang relasyon. Mahalaga ang paggunita dahil naibabalik ang mga magagandang alaala, nababalikan ang nakaraan, at napapaalalahanan ka sa tunay na kahalagahan ng iyong kabiyak para sa iyo.

Ipagpatuloy ninyo ang paggunita ng Araw ng Agrikultura ng Aurora. Huwag kayong tumigil sa pag-uusisa at pagbubusisi ng mga suliranin ng agrikultura dito sa bahaging ito ng ating bansa, at sa paghahanap ng mga solusyon at mga agarang aksyon para malunasan ang mga ito.

Ako po, handa akong tumulong—siyempre, sa inyong buo at walang-sawang tiwala at suporta sa akin. Sana po ay bigyan ninyo ako ng pagkakataon na makatulong sa pagsasaayos ng ating lokal at pambansang agrikultura. Maganda at malinis po ang aking hangarin para sa bansa. Malawak at malalim po ang aking naging karanasan sa larangan na ito, simula pa po noong ako ay nanilbihan bilang Gobernador ng aming lalawigan ng Ilocos Norte.

Bilang Bise-Presidente, makakatulong po ako sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan, at sa ating Pangulo mismo, tungkol sa pag-alam at pagpapatupad ng mga pinakamainam na solusyon para sa TODONG PAGLAGO ng ating agrikultura.

Pangarap ko po na balang-araw ang Pilipinas ay makatatayo sa kanyang sariling mga paa at mapakain ang kanyang sariling mamamayan—sandigan ang isang malakas at malago na sektor ng agrikultura na nagpapatakbo ng ating magandang ekonomiya.

Pangarap ko rin na magkakaroon ng masaganang buhay ang ating mga magsasaka, at hindi basta-basta na biktima ng komersyo at kapitalismo. May dangal at respeto ng buong sambayanang Pilipino na umaasa sa sustansyang dulot ng kanilang produkto na galing sa kanilang dugo at pawis.
Sa ating pagkakaisa at pakikiisa, hindi malayong posibilidad na magkatotoo ang ating mga pangarap at mga plano. Mahalaga rito ang isang pinuno na maganda ang layunin, marunong, at malawak ang karanasan, at may integridad, upang maisakatuparan ang mga ito.

Ako po si Bongbong Marcos, humihingi ng inyong tiwala at suporta sa aking kandidatura bilang Bise-Presidente ng ating Republika ng Pilipinas.

Mabuhay ang lalawigan ng Aurora! Mabuhay ang agrikultura ng Aurora at ng buong bansa!

Pagpalain tayong lahat ng Maykapal! Pagpalain nawa ang lupa at ang klima ng buong lalawigan ng Aurora, ang inyong mga tanim at ang inyong mga alagang hayop. Bantayan at protektahan nawa sila at gawing matibay laban sa anumang kalamidad, pinsala at peste. Para sa kalusugan ng bayan, at para sa ikaluluwalhati ng Poong Maykapal!

Muli, maraming salamat sa pagkumbida sa inyong lingkod! Magkita-kita tayong muli.

Magandang umaga sa inyong lahat!

Back to Blog