Agarang iuwi ang labi ng mga OFW na nasawi sa sunog sa hotel sa Iraq

Kinalampag ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang Department of Foreign Affairs para maibalik sa kani-kanilang pamilya ang labi ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na kabilang sa 17 taong nasawi sa isang sunog sa Kurdistan region ng Iraq.

Ayon kay Iraq Chargé d’Affaires Elmer Cato inalerto na ang embahada ng Pilipinas sa Iraq na 14 Filipino ang kabilang sa mga nasawi sa nasabing sunog sa isang hotel.

“Dapat gawin lahat ng DFA ang makakaya nila para maibalik sa bansa ang labi ng mga nasawi sa lalong madaling panahon. Iyan ang pinakamabuting magagawa natin para man lamang mabawasan ang kalungkutan ng kanilang mga naiwang pamilya,” ani Marcos.

“Sa pamilya ng mga nasawing OFW, nakikiramay po ako sa inyo,” dagdag pa niya.

Maliban dito nanawagan din si Marcos sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para asikasuhin na agad anuman ang mga benepisyong dapat matanggap ng pamilya ng mga nasawing OFW.

“Makipag-coordinate na dapat ang OWWA sa DFA para malaman agad kung sino-sino ang mga biktima para ma-proseso na ang kanilang dokumento at maihanda na ang mga karampatang benipisyo sa kanilang pamilya habang inaayos pa ang pagbabalik dito ng mga labi,” ani Marcos.

Ang aktibong miyembro ng OWWA ay may insurance na ang benepisyo ay aabot sa P100,000 kung mamatay sa natural cause at P200,00 naman kung masawi dahil sa aksidente. May tatanggapin ding P20,000 ang kanilang pamilya para sa gastusin sa pagpapalibing.

May nakalaan ding education assistance sa pamilya ng nasawing OFW kabilang ang P5,000 para sa elementary, P8,000 para sa high school, at P10,000 para sa college kada school year bukod pa sa P15,000 na livelihood assistance para sa legal na asawa ng nasawi.

Patuloy na nananawagan si Marcos sa gobyerno para sa mas maayos na suporta sa atin mga OFW bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya na natamo dahil sa kanilang sakripisyo at pagsusumikap.

Ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas aabot sa $23 bilyon ang kabuuang remitance ng mga OFW mula January hanggang November ng 2015, na katumbas sa 10 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

“Palagi natin sinasabi “sila ang ating bagong bayani tapos mayroong laglag-bala. Tapos mayroon yung binubuksan yung kanilang balikbayan box na wala namang problema. Hindi natin sila tinatrato ng mabuti,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos dapat targetin ng gobyerno na paramihin ang trabaho sa bansa upang sa darating na panahon ay hindi na kailangan pang iwanan ng isang mangagawa ang kanyang pamilya para lamang makahanap ng mas maayos na trabaho sa abroad.

Back to Blog