Abante Tonite – Sen. Bongbong sa mga pulitiko: Maging disente gaya ng mga Pinoy boxer
Ni Mark Escarlote | Abante Tonite Online
Umapela si Senator Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na gayahin ang sportsmanship ng mga Pilipinong boksingero upang maging disente at maayos ang pulitika ng bansa.
Ginawa ni Marcos ang pakiusap sa nakaraang “14th Gabriel ‘Flash’ Elorde Boxing Awards Night: A Banquet of Champions” na ginanap sa Harbour Garden Tent, Sofitel Hotel kung saan siya ang panauhing tagapagsalita.
“Kung tayong lahat, at maging kami na nasa pulitika, ay matututo lamang sa ating mga boksingero, siguro ay magiging mas maayos, mas marangal at mas mapayapa ang ating pamumuhay at ang ating pulitika sa Pilipinas. May disiplina, walang katiwalian, maayos at malinis ang pakikitungo sa mga tao, at walang mga bangayan at siraan,” ayon sa kanya.
Sa nasabing gabi ng parangal, iniabot ni Marcos ang mga tropeo para sa “Boxers of the Year” sa mga awardee na sina Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr., Donnie ‘Ahas’ Nietes, John Riel ‘Quadro Alas’ Casimero, at Merlito ‘Tiger’ Sabillo. Isang representante ng Aldeguer Boxing Promotion ang tumanggap ng trophy ni Sabillo dahil wala ito sa nasabing parangal.
Sinabi ni Marcos na maraming matututunan sa mga Pinoy boxers na kanyang pinasalamatan dahil sa karangalang ibinibigay ng mga ito sa Pilipinas.
Ayon dito, ang disiplinang pinaiiral ng mga boksingero sa ibabaw ng boxing ring sa gitna ng laban ay nagbibigay ng aral hinggil sa pagsunod at tungkulin, katapangan, tiwala sa sarili, ethics at fairness, at sportsmanship.
“Sa Filipino boxing, kahit nagkakasakitan na ang ating mga boksingero ay sisiguraduhin pa rin nila na mag -touch-gloves’ sa kanilang kalaban…at kadalasan pa nga ay nauuwi sa mga yakapan at halikan,” ani Marcos.
Idiniin ni Marcos na ang suporta ng gobyerno sa mga boksingerong Pilipino ay dapat kongkreto mula sa umpisa at hindi kapag nanalo na ang mga ito.
Gayundin umano sa lahat ng atletang Pilipino kung saan ang tulong at pagkilala ng pamahalaan sa kanila ay dapat makabuluhan, sapat, at nasa tamang panahon.
“Ang aking punto ay dapat buo, makabuluhan at epektibo ang suporta ng gobyerno…Dapat sa umpisa pa lang ng pagsabak sa training ay nand’yan na ang ating gobyerno upang tumulong,” ayon kay Marcos.
Napuna ni Marcos na tila nakakalimutan ng pamahalaan hindi lamang ang napakalaking karangalan na ibinibigay ng mga atleta sa bansa kundi pati na rin ang ambag ng mga ito sa ekonomiya bunga ng kanilang mga tagumpay.
Sinabi nito na hindi sapat na itaas ng mga pulitiko ang kamay ng mga boksingerong Pilipino sa mga victory parade, kundi dapat umano na “the support must be existing and vigorous all throughout the entire journey of the athlete in his or her career”.
Nangako si Marcos na kanyang susuportahan ang lahat ng panukala sa Senado na naglalayong isulong ang kagalingan ng mga Pilipino athlete.