Abante Tonite – Pirma na lang ni Pnoy sa sin tax bill

By Nina Bernard Taguinod at Dindo Matining | Abante Tonite

abante_tonitePirma na lamang ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kulang sa sin tax bill para maging ganap na batas matapos itong magkasunod na ratipikahan sa Senado at Kamara kahapon.

Unang niratipikahan kahapon ng hapon sa Senado ang bicam report na naglalaman ng probisyon na 69% sa P33.96 bilyon ng makokolektang buwis ay mula sa sigarilyo habang 31% ay mula sa alak.

Kabilang sa 10 na senador na bumoto pabor sa sin tax sina: Sens. Edgardo Angara, Franklin Drilon, Panfilo Lacson, Pia Cayetano, Miriam Defensor Santiago, Sergio Osmeña III, Lito Lapid, Aquilino Pimentel III, Antonio Trillanes IV at Francis Pangilinan.

Bumoto naman laban sa naturang batas ang siyam na senador na sina: Sens. Jinggoy Estrada, Ferdinand Marcos Jr., Ralph Recto, Francis Escudero, Juan Ponce Enrile, Joker Arroyo, Vicente Sotto III, Ramon Revilla Jr., at Gregorio Honasan.

Ayon kay Drilon, acting chair ng Senate Ways and Means Committee, ipatutupad ang sin tax reform law sa Enero, 2013.

“I am glad that we were able to approve this reform measure which everybody has been waiting for in the past 16 years,” ani Drilon.

Sa naturang panukala, kokolekta ang gobyerno ng P33.96 bilyon sa unang taon ng pagpapatupad nito sa 2013. Sa naturang halaga, P23.4 bilyong buwis ang kukunin sa sigarilyo habang P10.56 bilyon naman sa alkohol.

Dismayado naman si Enrile sa resulta ng botohan. “I cannot support the bill that destroys local tobacco industry,” pahayag ni Enrile sa kanyang pagboto ng ‘no’ sa nasabing panukala.

Maging si Recto ay hindi nagustuhan ang pinal na bersyon ng sin tax. “I cannot support a measure that promotes foreign interest. By increasing local taxes too high, a tax shock is created which, therefore, incentivizes smuggling and illicit trade,” ayon kay Recto.

Matapos mailusot sa Senado, isiningit kagabi ng Kamara sa isinasagawang period of amendments ng Reproductive Health (RH) bill ang ratipikasyon ng sin tax bill kung saan pinagbotohan ito sa pamamagitan ng viva voce voting. Nanalo ang ayes vote o yes vote.

Ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin, maaaring ngayong araw na ito ay nasa tanggapan na ni Aquino ang nasabing panukala kung saan target nito na makakolekta ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng P33.96 bilyon sa unang taong implementasyon nito.

“Hindi pa alam kailan pirmahan pero isa-submit na agad sa Malacañang,” pahayag ni Garin na miyembro ng House contingent ng Kamara sa bica­meral conference committee.

Ayon naman kay Zambales Rep. Milagros Magsaysay, posibleng malabag ang Saligang Batas sa sin tax bill dahil tataas ng 1,000% ang buwis sa sigarilyo na mahigpit na ipinagbabawal sa Konstitusyon.

“Let’s all remember that excise tax is a pass on tax. In other words, the 1,000% tax increase will be shouldered by the consumers, most of which belong to the low-income class. Imposing a 1,000% tax increase is clearly against the Constitution. It is regressive and anti-poor,” ayon pa kay Magsaysay.

Dahil dito, pinag-aaralan na umano ng kampo ng mambabatas ang posibilidad na kuwestiyunin sa Korte Suprema ang nasabing batas sa sandaling pirmahan at ipatupad ito ng gobyerno.

Back to Blog