Abante Online – Bongbong Marcos sumaklolo sa OFW na nakulong dahil sa bala

Abante Online

Abante-onlineIsang overseas Filipino worker (OFW) ang ikinulong matapos makitaan diumano ng isang bala sa loob ng kanyang hand-carry bag habang nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Inaresto at ikinulong si Gloria Ortinez, 56, nitong Oktubre 25 dahil sa insidente.

Ayon kay Ortinez may dalawang dekada na siyang nagtatrabaho sa ibang bansa at alam niya na bawal ang magdala ng balang ibinibintang sa kanya.

Una nang sinabi ni Ortinez na ”planted bullet” lamang ito at wala siyang ideya kung paano ito napunta sa kanyang bag.

Sa panayam ng DZMM, ayon pa kay Ortinez dumaan din naman siya sa x-ray machine sa Laoag Airport papunta sa Maynila at hindi siya naharang.

Nagulat na lamang ito nang tawagin umano siya ng NAIA personnel at sinabing may bitbit itong anting-anting.

“Sa panahon ngayon wala nang anting-anting,” paliwanag nito.

“In-interview pa nila ako kung maraming bundok sa Paoay, Ilocos Norte pero sabi ko walang malaking bundok.”

Nagalit pa umano ang kumuwestiyon sa kanya nang hindi niya aminin na sa kanya ang balang nakabalot sa pulang tela.

Pangamba ni Ortinez na baka hindi na makabalik ito sa trabaho sa Hong Kong at magbunga ng masamang rekord ang kanyang sinapit.

“Hindi ko pa po alam dahil hindi ko pa natatawagan amo ko kasi kaninang umaga lang po ako nakaalis doon sa detention at saka malalaman ko po bukas sa aking abogado kung anong proseso na ngayon.”

Samantala, binigyang pansin ni Senador Bongbong Marcos ang sinapit ng OFW.

“We have heard of similar incidents before on this modus operandi to extort money from hapless victims and we all thought that with the media attention and investigations conducted, this won’t happen again,” ani Marcos.

Bunsod nito, nagpadala na ang senador ng kanyang legal staff para matulungan si Ortinez. Susundan ito ng imbestigasyon ng Senado batay sa report ng kanyang staff.

Back to Blog