Abante – Marcos, wala ni isang parangal — PNoy

By Nina Rose Miranda at Dindo Matining | Abante

Abante-onlineWalang balak si Pangulong Benigno Aquino III na magbigay ng state funeral o kahit na anong state honors para sa mga labi ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ito ang kauna-unahang pahayag ni Aquino sa nasabing isyu kahit na inatasan nito kamakailan si Vice President Jejomar Binay na pag-aralan ang naturang bagay kung saan may rekomendasyon na ang huli.

Sa dinaluhang forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) sa Makati City kahapon, sinabi ni Aquino na kung pagkakalooban ng administrasyon niya ng state o military honors si Marcos ay magiging injustice naman ito sa mga naging biktima ng human rights violations noong Martial Law years kung saan ilan dito ay patuloy pa rin na naghahabol ng kompensasyon at hindi pa rin nakakatanggap ng public apology mula sa Marcos family.

“They have not been accorded an apology, the compensation bill is still pending, and it would be really I think the height of injustice to render any honors to the person who was the direct mastermind of all their suffering. So I think I will not, I am sanctioning — not under my watch — sanctioning a burial for the late President Marcos,” ani Aquino.

Kasabay nito ay hu­mingi rin ng paumanhin si Aquino kay Binay dahil hindi pa niya nasasabi rito ang kanyang opisyal na posisyon sa usapin.

Bilang reaksyon, sinabi ni Binay, “It is the prerogative of the President and we must all accept, respect and support his decision.”

Zarzuela lang!

Dismayado naman si Senador Ferdinand Marcos Jr. sa desisyon ni Pangulong Aquino na hindi bigyan ng ‘hero’s’ at ‘military’ burial ang ama nito.

Dahil sa sama ng loob, sinabi ng senador na lu­malabas daw na ‘zarzuela’ lang daw ang ginawang pag-aaral sa panukalang ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang kanyang ama.

“Mukhang zarzuela lang pala itong ginawa niya,” dismayadong pahayag ni Marcos kahapon.

Tinawag pa ng senador na walang isang salita si Pangulong Aquino dahil hindi naman daw tinupad ang kanyang ipinangako noong nangangampanya pa lang ito sa pagka-pangulo.

“Mahirap kasi ang kausap mo kapag walang isang salita, pabagu-bago ang sinasabi,” sabi pa ni Marcos.

Back to Blog