Abante – Binay: Marcos sa Ilocos ililibing ; Bongbong pumalag

Ni Dindo Matining | Abante

Abante-onlinePumayag na ang pamilya Marcos na mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang bayan sa Ilocos Norte. Pero maaga itong pinalagan ni Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Kahapon ay kinumpirma ni Vice President Jejomar Binay ang diumano’y pagpayag ng pamilya Marcos matapos dumalo sa isang housing caravan sa Laoag City kahapon kung saan nakasama pa nito si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, biyuda ng dating pangulo.

“Ang Marcos issue, may dalawang aspekto. Unang-una, kung ililibing sa Libingan ng mga Bayani. Okay na ‘yon. Pumayag na ang Marcos family na sa Ilocos ilibing si dating Pangulong Marcos,” pahayag ni Binay sa isang statement kahapon.

Sinabi pa ni Binay na isa na lang ang hindi nareresolba sa Marcos issue at ito ang pagbibigay ng military honors para sa dating Presidente ng Pilipinas.

“`Yung ikalawang part (military honors) na lang ‘yung dapat nating plantsahin at malapit nang mangyari ‘yon,” sabi pa ni Binay.

Ngunit bago natapos ang araw ay nagsalita si Sen. Marcos na nagsasabing wala pa silang opisyal na reaksyon sa isyu dahil hindi pa naman nila pormal na natatanggap ang anumang proposal ng gobyerno ukol sa bagay na ito.

“Hindi kami makapag-react dahil wala pang sinasabing pormal na position ang palasyo roon sa pina-study niya kay Vice President Binay — ‘yun question tungkol sa paglibing ng aking ama,” sabi ni Marcos.

“Wala pa kaming natanggap na proposal o pormal na sagot kaya hindi kami makapag-react,” dagdag pa ng senador.

Sinabi pa ng batang Marcos na magbibigay lamang sila ng kasagutan kung may pormal na io-offer ang gobyerno sa kanilang pamilya hinggil sa Marcos burial issue.

Ngunit hanggang kahapon, matapos ang pagtanggi ng senador, ay patuloy na naninindigan ang tanggapan ng Bise Presidente sa kanilang pahayag na pumayag na ang pamilya Marcos na mailibing sa Ilocos Norte ang dating pangulo.

Matatandaan na si Binay ang naatasan ni Pangulong Benigno Aquino III na gumawa ng rekomendasyon sa isyu ng paglibing kay dating Pangulong Marcos.

Nauna nang iginiit ng mga kamag-anak at ilang supporters ng Marcos family na dapat lang na bigyan ito ng hero’s burial sa Libingan ng mga Bayani subalit ang ilan nama’y tutol dito dahil sa diktaturyal na pamumuno nito ng bansa sa loob ng 20 taon na nagresulta ng human rights violations.

Back to Blog