2nd Mindanao Assembly of Bantay-Bayan Foundation, Inc.

Thank you very much sa napaka very enthusiastic and passionate introduction from our friend, the former Mayor, Mayor Ernesto Camino. Ang Presidente ng Bantay Bayan, ang mga opisyal ng Bantay Bayan organization. Chairman Ariel Arias. Ang Vice-Chairman, Vice-Chairman Reynaldo Suyo of Bantay Bayan. At ang ating mga opisyal at mga miyembro at sa ating mga bisita rito sa ating mga kaibigan na nandito ngayon para sa konperensiya na ito. Magandang tanghali po sa inyong lahat.

Unang-una, I will have to apologize dahil na-late ako at malayo pa ang aking pinanggalingan. Pero this time hindi ko masasabi, hindi ko mabibintang iyung Manila traffic. Ang talagang nangyari dito ay mayroon pa rin, kahit hindi lang sa kalsada, ang Maynila, kahit sa airport may traffic na rin. Kaya’t sana ay hihingi ng inyong paumanhin sa inyong pinag-antay kayo. Ginugutom na ba kayo? Kung ginugutom kayo, huwag kayong mag-alala, lilipas din iyan.

Ako’y nagpapasalamat na nabigyan ako ng pagkakataon na makasama kayong lahat at mapag-usapan ang napaka importanteng issue na ating hinaharap. Ang Bantay Bayan, ay kagaya ng naipaliwanag ng ating Pangulo, ay parang the spirit of voluntarism- iyung ating pagtutulong sa mga maliliit na ating mga kababayan. Dahil sa ngayon, pag pinag-uusapan natin ang mga grass roots level, na pagtutulong ng pamahalaan, marami po tayong nakikita, na may kakulangan. Kaya naman sa aking palagay, talagang mayroon tayong pagkakataon sa darating ng halalan na mamili ng ating mga magiging lider na kilala natin na magbibigay ng pansin hindi lamang sa Maynila, hindi lamang sa mga malalaking korporasyon, hindi lamang para sa mga mayayaman, kung hindi kung papaano pagandahin, at maging masa mapayapa, at mas maginhawa, ang buhay ng ating mga kababayan.

Tignan po natin ang mga problemang hinaharap ngayon. Ang mga problemang hinaharap ngayon ng ating mga kababayan, na tayong mga Pilipino. Halimbawa, ang number one na isyu ngayon na pag tinatanong natin lalo na sa mga local communities, ang number one issue ngayon, for the first time, ay droga. Dahil nakikita natin na lahat nagkakalat ang pagbenta ng iligal na droga, kahit na hindi lamang sa malalaking siyudad, pero kahit sa rural areas na rin. Kaya’t tamang-tama ang inyong tema. Kapayapaan, katarungan, susi sa kaunlaran. Tama po iyun.

Kailangan natin patibayin ang ating peace and order. Kailangan natin tanggalin ang kriminalidad sa ating mga bayan-bayan. Ang problema dito, ang kailangan nating harapin ay para sa local government. Hindi para sa national government. Ang national government, maraming kakayahan. Ang national government, maraming asset kung papaano nilang puedeng gawin at ilagay at papaano nila puedeng gawin para tulungan ang sitwasyon sa nasyonal.

Ngunit, ang local government, ang local communities, ay hindi kasing yaman, hindi kasing dami ang kanilang mga puedeng gamitin para tulungan ang kanilang sitwasyon. Kaya’t kailangan na bigyan ng pansin ng national government. Ang napapag-usapan, ang binabanggit ko kanina, ay ang droga. Ano dapat gawin ng susunod na administrasyon? Ang dapat na gawin ng susunod na administrasyon ay huwag na natin pinag-uusapan iyung mga small timer na hinuhuli dahil nagbenta ng isang daan piso worth ng shabu. Hulihin na rin natin sila pero bigyan din natin, ang gawin natin, ay magconcentrate tayo hindi lamang sa malilit, kung hindi sa malalaki na kilalang mga drug lord at iyung criminality na nangyayari ay kailangan tulungan ang ating pulis. At lahat naman po ito, ay hindi naman bago. Hindi naman natin sasabihin na kailangang baguhin ang buong gobyerno. Hindi. Ang kailangan lang natin gawin ay pagandahin ang patakbo ng pamahalaan dahil sa ngayon ay hindi natin nararamdaman ang serbisyo ng gobyerno.

Ano iyung isa pang issue na nararamdaman ng pangkaraniwang Pilipino? Ang mataas na presyo ng ating mga bilihin. Papaano natin aayusin iyun? Papaano nangyari na naging ganito, na naging mahal ang bilihin para sa taong bayan? Dahil iyung ating agrikultura ay imbis na pinaganda ng pinaganda ang ating agrikultura, ay pinabayaan natin na maghingalo. Pinabayaan natin na imbis na paramihin ang ating ani ay ang ginagawa, nag-iimport na lang. Ang problema riyan, ang nagiging mahirap, ay ang ating mga magsasaka at hindi sila natutulungan.

Kaya’t ang dapat gawin ng susunod na administrasyon ay ayusin ang sistema ng agrikultura. Ayusin ang pagdala ng ating mga produkto, hindi lamang mula sa ating mga magsasaka, hanggang sa ating mga merkado. Dahil ito ang mga sinasabi na hindi magandang sistema para sa pagdeliver ng ating commodities. Ayan po ang nagiging problema kaya nagiging mahal ang commodities dahil nadadagdagan ng nadadagdagan na tumataas ang presyo dahil hindi maganda ang transportasyon. Hindi maganda ang komunikasyon. Dapat ang pamahalaan ay gumawa ng paraan para tayo ay bumibili ng ating mga produkto sa presyo na ipinagbibili ng ating mga magsasaka. Hindi sa mga dagdag na ginagawa na tinatawag na “middleman”.

So, ito ang mga problema. Wala tayong kailangang bagong gawin. Ang kailangan lang natin patibayin at pagandahin ang takbo ng pamahalaan. Ang problemang hinaharap, kaya’t marami tayong mga OFW, bakit nagiging ganyan ang problema sa kakulangan ng trabaho? Kulang ang trabaho dahil sa distribution of wealth. Yumayaman daw ang Pilipinas ngunit hindi nararamdaman ng mga nasa baba. Kailangan nating gawin mas maganda ang pagdeliver ng serbisyo sa taong bayan. Kailangan natin paghanda ang ating mga manggagawa para naman mayroon silang makukuhang trabaho. Hindi sila kailangan mag-abroad pa para makakuha ng trabaho dito sa Pilipinas. Nobenta persiyento po ng employer, ng empleyado, ay sa private sector. Hindi sa gobyerno. Ang gobyerno sampung persiyento lamang.

Ngunit, ang dapat gawin ng pamahalaan ay ihanda ang ating mga manggagawa doon sa iba’t-ibang mga training, pagsasanay, para naman ay handa ang ating mga manggagawa pumasok sa labor force at tulungan ang ating mga empleyado. Pati ang ating infrastraktura. Dapat nakatingin tayo sa kung ano ang pangangailangan ng negosyo. Kung ano ang mga pangangailangan ng small to medium enterprises. Halimbawa, sinasabi dito dumadaan ang merkado. Kailangan pagandahin natin ang kalsada riyan. Pagka ito ang pangangailangan para maging malaki at maging masigla ang mga negosyante ay dapat iyung mga support services na iyan, ay dapat idinudulot ng ating pamahalaan. Sa ngayon, ay hindi ganoon kabigat. Hindi ganoon nararamdaman ang serbisyo na kinakailangan ng ating mga negosyante dahil ang bumubuhay naman sa ekonomiya natin, hindi iyung mga malalaking korporasyon. Ang bumubuhay sa ekonomiya natin ay ang small to medium term enterprise, medium sized enterprises. Iyan po ang mga dapat nating tulungan. Mas maganda ang pautang, mas maganda ang training, mas mababa ang raw material, para naman mayroon namang pagkikitaan at hanapbuhay ang ating mga kaibigan.

Napapag-usapan po ngayon iyung mga OFW. Nakita naman ninyo kung ano iyung nangyayari sa NAIA. Iyung tinatawag na “Tanim Bala”. Siguro kahit dito nabalitaan niyo na iyan. Titignan natin, isang problema iyan at anong kailangang gawin? Kailangan bang magsulat ng bagong batas? Kailangan bang gumawa ng bagong polisiya? Hindi. Ang kailangan lang ay ienforce ng mabuti kung ano ba talaga ang mga rules and regulations, kung ano ba talaga ang dapat gawin ng ating mga nagtatrabaho sa airport. Naririnig natin ay sinasabi ay dapat palitan iyung batas. Dapat ganito ang mangyayari. Dapat ikandado iyung mga bag nung mga OFW. Hindi iyun ang solusyon. Ang solusyon diyan hanapin ninyo kung sino iyung gumagawa ng kalokohan, kung sino ang mga miyembro ng sindikato na gumagawa ng raket na iyan. Imbistigahan ninyo, hulihin ninyo at kasuhan ninyo at ikulong ninyo. Hindi sisisihin iyung OFW na kailangan ikandado, kailangan ibalot, kailangan ilock, kailangang bantayan, kailangan may abogadong dala. Hindi iyun ang solusyon. Alam naman nating mali iyung kanilang ginagawa, iyan ang parusahan natin. Huwag tayong maghahanap ng pinagtatakpan ang mga pagkakamali at ang mga kasalanan ng kung sino man.

Kaya’t ito’y isang magandang halimbawa ng problema ng wala ng kailangang baguhin sa polisiya ng pamahalaan. Wala ng kailangang bagong batas. Ang kailangan lamang ay na tayo ay desidido. Tayo ay nagsabi tayo na sinasabi natin na tayo ay ang gagawin natin ay hindi tayo papayag na ganito ang mga pangyayari. Hindi tayo papayag na paulit-ulit na nahihirapan. Paulit-ulit ang problema na hindi nabibigyan ng solusyon na araw-araw hinaharap ng taong bayan. Hindi nabibigyan ng solusyon.

Kailangan natin ayusin ang pamahalaan para maging mas maganda ang takbo. Para maging mas efficient. Para mas nararamdaman ng pamahalaan kung ano man ang kahirapan na dinadanas ng ating mga kababayan. Kaya’t ang sinasabi ko po ay ang problema, ang problemang nakikita ko na kailangan nating bigyan ng pansin ay hindi sa mga malalaking tao, o mayayaman, hindi sa malalaking siyudad, kung hindi sa maliliit na communities. The small communities around the country. Lahat ito ay dapat natin tignan. Lahat ito at dapat natin tulungan. Siguro po nanggaling ito sa aking karanasan bilang isang local government official.

Alam niyo po, ako’y naging Governor ng Ilocos Norte na siyam na taon. At nakita ko at naging paniwala ako, naging pananaw ko na hindi magiging maganda at matibay ang ating ekonomiya kung hindi matibay at masigla ang ekonomiya sa agrikultura, ang ekonomiya sa small to medium size enterprises, sa mga maliliit, sa mga mahihirap. Kailangan po natin ibalik ang atensyon ng national government. Hindi po sa national government lamang, kung hindi ibalik sa local government, ibalik sa local communities, ibalik sa mga NGO’s, kagaya ng Bantay Bayan. Para naman maramdaman ng tao na mayroong tumutulong sa kanila. Na mayroong nagtitiyaga at mayroong nag-iisip sa kanilang mga dinadanas. Sa kanilang problemang hinaharap araw-araw. Kailangan nating balikan at maunawaan na walang isang solusyon para sa buong bansa. Kailangan maunawaan natin na ang bawat LGU, ang bawat NGO, ang bawat lugar ay nakakaiba sa lahat ng iba. Kaya’t kailangan natin pag-aralan kung ano ba talaga ang mga kailangan para naman makita natin kung ano ang magiging solusyon.

Dito sa pagsimula mula noong ako’t nagdeklara na ako’y kandidato, tinatanong sa akin kung ano ang aking adbokasiya. Ano ang aking ipinaglalaban at pinaninindigan? Para sa akin, napakasimple lang na sagot. Nagkaganito tayo dahil ang mga nakaraan na administrasyon, ang kanilang ginagawa ay ipinagaaway-away ang mga kapwa Pilipino dahil sa pulitika. Imbis na pinagkakaisa tayo, sinasabi, kami dito kami sa panig na ito, kayo nandiyan kayo sa panig, maglalaban tayo at bahala na kung sino ang lumitaw na mas malakas. Hindi ganoon ang gagawin para maging progresibo ang isang bansa.

Kapag pinagaaway-away ang kapwa Pilipino, nakita naman natin ang naging resulta. Mataas pa rin, marami pa rin, panay ang dami, patuloy-tuloy, parami ng parami ang mga gutom. Parami ng parami ang mga nagiging mahirap. Pakaunti ng pakaunti ang ating trabahong maibibigay sa ating mga manggagawa. Ang daming mga hindi napoproteksyunan. Lahat naman po ito ay maaari nating bigyan ng solusyon kung tayo ay sabay-sabay na nagtatrabaho upang sa kapakanan at sa kabutihan ng ating bansa.

Lagi natin aalahanin, ang dapat gawin ng mga ating mga lider ay hindi ipinagaaway-away ang mga tao. Hindi ipinagaaway-away ang mga magkapwang Pilipino. Hindi ipinagaaway-away at winawarak at winawasak ang ating lipunan dahil lamang sa pamumulitika.

Ang pulitika ay may lugar. Ngunit sa palagay ko pagkatapos ng eleksyon, pagkatapos na maproklama ang ating mga lider, ay isang tabi na muna iyang pulitika at ang ating dapat gawin ay bigyan ng tamang solusyon ang ating mga problema at ipagkaisa. Ipagkaisa ang mga Pilipino. Ang magkapwang Pilipino nagtutulungan. Kapwa Pilipino na nagmamahalan. Kapwa Pilipino na nagbabantay sa sariling atin. Isang bansa, isang diwa, isang gawa.

Huwag po nating makakalimutan na sa wakas nitong lahat, ang puno’t dulo nitong lahat, kailangan natin maalala na walang tutulong sa Pilipino kung hindi ang kapwa Pilipino rin. Walang nagmamahal sa Pilipino kung hindi ang Pilipino rin.

Kaya’t ipagkaisa natin. Let us unify the different forces around the country. Ipagkaisa natin at sabay-sabay na magtrabaho. Magsabay-sabay magsumikap. Magsasabay-sabay na mag-iisip ng mga solusyon para sa problemang hinaharap ng bansa at sabay-sabay hanapan at sabay-sabay din magtatrabaho. Sabay-sabay din nagsisikap upang tulungan ang sitwasyon. Hindi sa pangsarili, hindi sa sariling pamilya, hindi lamang doon sa iyong bayan, hindi lamang doon sa inyong lugar, kung hindi para sa buong Pilipinas. Iyan ang ating hangarin na ipagkaisang muli ang lahat ng Pilipino. Ang sambayang Pilipino ay ipagkaisa ulit ng maalala natin. Kung tayo man ay Ilokano, Tagalog, Bikolano, Bisaya, kahit saan ka man nanggaling, ikaw ay Pilipino.

There is a very famous saying that we always quote. A saying that Abraham Lincoln, doon sa isa sa mga speech niya, magaling at matalino na Pangulo na Abraham Lincoln ay nagsabi, “A house divided against itself, cannot stand”.

Kung tayo ay hindi nagkakaisa, kung tayo ay nagaaway-away, wala pong mangyayari sa Pilipinas. Kaya’t iyan ang dapat natin maging hangarin. Dapat sa darating na halalan, pagka tayo ay mamimili kung sino ang ating iboboto, pagka tayo ay nilalapitan para tulungan ng sino mang kandidato pag-aralan natin ng mabuti. Ano ba ang karanasan? Ano ba ang performance ng kandidatong iyan? Siya ba ay pinagwawatak-watak ang Pilipinas o siya ba ay pinagkakaisa ang sambayanang Pilipino? Pagka titignan po natin, mamili tayo ng mabuti. Ang piliin natin ang siyang mga lider na magkakaisa para ipagkakaisa lahat ng Pilipino, ipagkakaisa ang lahat ng ating hangarin. Ang ating pangarap para sa buhay ng taong bayan ay ipagkakaisa lahat ng ating gagawin para maging mas maganda ang Pilipinas. Para maging mas maginhawa ang buhay ng tao para muli mabalik ang ating progreso na ating laging pinapangarap para sa ating mahal na Pilipinas.

Maraming salamat po at magandang tanghali sa inyong lahat!

Back to Blog