Police Files Tonite : “Marcos disqualification cases, di na dapat pang pinapansin ng mga hukuman”

18 January 2022

By Police Files Tonite

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kaya’t sinabi sa kanila ni Jesus, `Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Lucas 21:5-6, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

WALANG KARAPATAN ANG COMELEC AT SC NA PASYAHAN ANG MGA DISQUALIFICATION CASES KONTRA KAY BBM DAHIL ANG MGA KASONG ITO AY POLITICAL ISSUES”, AYON SA LIGHT AT BATAS: Walang karapatan ang Commission on Elections, at maging ang Korte Suprema, upang pagpasyahan ang mga inihaing disqualification cases laban kay Halalan 2022 presidential frontrunning candidate Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ito ay dahil ang isyu kung si Marcos ay kuwalipikado o hindi, lalo na at siya ngayon ang lumalabas na pinaka-gusto ng sambayanang Pilipino upang maging pangulo ng bansa sa pamamagitan ng Halalan 2022, ay maaaring desisyunan ng mga botanteng Pilipino lamang.

Ito ang pananaw na inilabas noong Lunes, Enero 17, 2022, ng LIGHT o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth, at BATAS, o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan, mga free legal counselling groups na nasa likod ng palatuntunang Kakampi Mo Ang Batas (KMAB).

Nagpasya ang mga abogado ng LIGHT at BATAS na isapubliko ang kanilang pananaw sa disqualification cases ni Bongbong Marcos matapos ipawalang-bisa ng Commission on Elections ang isa pang kasong naglalayong pigilan si Bongbong Marcos sa kaniyang pagiging kandidatong pangulo sa Halalan 2022.

Ang kasong dinismis ng Comelec Lunes ng umaga ay nauna ng isinampa ng grupo ng mga kilalang kalaban noon pa man ng Marcos family, o yung mga kalaban na wala ng nakitang mabuti sa mga Marcoses.

-ooo-

TANGING ANG MGA BOTANTENG PILIPINO LAMANG ANG MAY KARAPATANG MAGSABI KUNG KUWALIPIKADO O HINDI SI BONGBONG MARCOS NA TUMAKBO BILANG PANGULO, PAHAYAG NG MGA ABOGADO: Noong matatapos ang taong 2021, dinismis din ng Comelec ang kasong isinampa ng isang di-kilalang kandidatong pangulo sa 2022, na nagsabing isang “nuisance candidate” lamang si Bongbong Marcos. Sa pasya sa “nuisance candidate” petition, sinabi ng Comelec na di naipakita ng naghabla kay Marcos na isa ngang “nuisance candidate” ito.

Samantala, sa ikalawang kaso na dinismis ng Comelec, hindi kinatigan ng poll body ang hiling ng mga kalaban ng Marcos family na makansela ang certificate of candidacy ni Bongbong, dahil, sa pananaw ng mga commissioners, hindi naman masasabing pagsisinungaling ang mga pagkilos na ikinukulapol kay Marcos tungkol sa kaniyang income tax returns.

Sa ngayon, mayroon pang ilang nalalabing petisyon na kumukuwestiyon sa kandidatura ni Marcos, pero inaasahang hindi na din mapapagbigyan pa ang mga ito ng Comelec. Ayon sa mga nakababatid, ang mga nalalabing petisyon na ito ay dedesisyunan ng poll body sa Lunes, Enero 24, 2022.

Sa pananaw ng mga abogado ng LIGHT at BATAS, hindi na nga din dapat pinakikinggan pa ng Comelec ang mga kasong ito, dahil ang isyu ng pagiging kuwalipikado ni Marcos ay isang isyung maituturing na pampulitika, sa ilalim ng tinatawag na “political question doctrine.”

-ooo-

“HAYAAN ANG MGA BOTANTE ANG MAGPASYA KUNG GUSTO NILANG MAGING PANGULO SI BONGBONG MARCOS”—LIGHT AT BATAS: Ayon sa pag-aaral ng LIGHT at ng BATAS, hindi tinatanggap o hindi dinedesisyunan ng mga hukuman, kasama na ang Comelec at ang Korte Suprema, ang mga kasong ang sangkot ay pagpapasya ng mga lider ng pamahalaan o di kaya ng sambayanan mismo sa mga isyung pampulitika.

Ito ang tinatawag na “political question doctrine”, na noong una pa man ay pinaiiral na ng Kataas-taasang Hukuman sa maraming kaso. Ang halimbawa ng isang kasong itinuring ng Korte bilang isang kasong sangkot ang “political question doctrine” ay ang mga kasong isinampa ng noon ay Bataan Rep. Enrique Garcia laban sa mga ipinasang oil deregulation law sa panahon ng Pangulong Ramos.

Sa pasya ng Korte Suprema na mababasa sa G.R. No. 157584, April 02, 2000 batay sa panulat ng noon ay Associate Justice Arturo Brion, ang pagpapairal ng patakaran sa deregulasyon ng industriya ng langis ay isyung tanging ang mga lider-pulitiko na inihalal ng sambayanan lamang ang may karapatang magpasya.

Batay dito, ipinapalagay ng LIGHT at BATAS na maaaring tumanggi na lamang ang Comelec at Korte Suprema na silipin pa ang mga petisyong nagnanais maalis si Bongbong Marcos bilang pangulo, dahil ang isyu kung siya ba ay maaaring iboto o hindi ay nasa kamay na ng mga mamamayang Pilipino.

“The issue of whether Marcos Jr. is qualified to be chosen by the voters or not under present laws enacted by the Filipino people through their representatives in Congress, and in the Office of the President, must be decided by the Filipino people themselves, because that is a political issue over which the Comelec and the courts have no jurisdiction,” dagdag pa ng LIGHT at BATAS.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.