Pilipino Star Ngayon : Tumanggi! So?

26 January 2022

By Ben Tulfo | Pilipino Star Ngayon

Matagal ko nang natatalakay ang salitang “perception”. Ito ‘yung pananaw ng isang indibidwal base sa kanyang nakikita, naririnig, nababasa at naramdaman.

Kung ang pananaw ng isang indibiduwal ay kaiba sa kan­yang mga naririnig, at nakikita, natural lamang na magi­ging matatag ang desisyon nito dahil sa kanyang personal na pang-unawa o persepsiyon at karanasan.

Naging isang malaking pasabog ang pagtanggi ni presi­dential candidate Bongbong Marcos sa isinagawang presi­dential interview nang malaking network.

Tanong ko, Why make such a big fuss If BBM snub the presidential interview? Ano bang meron dito? What’s the big deal? Kanino bang kawalan ang pinag-uusapan dito, sa mga taong manonood na botante, sa malaking network o sa kandidato?

Baka nagbubulag-bulagan tayo na buo na ang persep­siyon ng mga tao. May interbyu o wala, iboboto pa rin nila kung sino ang kanilang gusto – mahirap na itong mabago. Ganundin sa ibang kandidato – dumalo man o hindi ang isa sa kanila, mayroon na silang mga sariling botong mata­tanggap.

Ang kaso mo, pumipiyok ang mga kampong gigil sa tumangging kandidato. Paborito nilang kuyugin ang mama, na tinawag nilang “duwag”.

Well, persepsiyon din ito ng mga nanggagalaiting kampo laban kay BBM.

Pahayag naman ng partido ni BBM, may “paniwala” sila na magiging “bias” ang interbyu.

Sa totoo lang, wala akong masamang tinapay sa host ng nasabing programa, saludo ako sa kanya dahil talaga namang isa siyang respetadong mamamahayag. Kaya lang, nabuo na ang persepsiyon ng kampo ni BBM na magi­ging tablado sa panayam ang kanilang kandidato.

Maaaring hindi talaga ang host ng programa ang pinatutukuyan nila kundi ang istasyong pinagsisilbihan ng mamamahayag.

Muli, saan ba nanggaling ang persepsiyon nilang iyon? Maaaring mula sa kanilang masamang karanasan noon. Punto ko lang naman para sa mga kapatid ko sa industriya, kapag kayo ay tinanggihan, huwag masasaktan!