Pilipino Star Ngayon : Tigilan na ang panggugulo, pagtatanim ng galit – BBM camp

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Upang makausad ang pag-unlad ng bansa, umapela ang kampo ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga petitioner ng disqualification case na tigilan na ang panggugulo, pagpupunla ng galit na lumilikha lamang ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino.

“I appeal to those who keep on pursuing this divisiveness, the people have spoken. The Filipino people have spoken and an overwhelming majority has voted President-elect Bongbong Marcos and Vice President-elect Inday Sara Duterte into office as President and Vice President. Learn to respect the will of the Filipino people,” panawagan ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at spokesman ni Marcos.

Inihayag ni Rodriguez na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng petisyon na isinampa sa Supreme Court upang makansela ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos kung saan hiniling ng grupo na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang pagbibilang ng boto at pagpo-proklama kay Marcos bilang nanalong presidential bet sa halalan.

Ipinunto ni Rodriguez na ang mga disqualification cases laban kay Marcos ay unanimously dismissed na ng Commission on Elections sa division at en banc level.

Nanawagan din siya sa mga petitioners na hayaang makapagtrabaho si Marcos at ang kanyang magiging administrasyon sa halip na maglaan ng oras para intindihin pa ang hindi makamove-on na galit ng mga kritiko sa mga kasalanang wala namang kinalaman si Marcos.