Pilipino Star Ngayon : Solons, mga lider sa Pampanga sumuporta sa Marcos-Duterte tandem

5 April 2022

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

SAN FERNANDO CITY, Pampanga, Philippines — Nagkaisa kahapon ang mga kongresista, mayor at iba pang mga lokal na opisyal sa lalawigang ito na inianunsyo sa kanilang mga constituents ang pagsuporta sa kandidatura nina UniTeam standard bearers Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.

“We have decided to heed and share UniTeam candidates’ call for unity, hope and patriotism. If they get elected, they will have the unparalleled opportunity to unite the country behind the challenges it will continue to face, like the Covid-19 pandemic and soaring fuel and consumer prices,” ayon kay 3rd District Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales.

Sinabi ni Gonzales na naniniwala silang sina Bongbong Marcos at Mayor Inday Sara ang nasa “best position” para ipagpatuloy ang mga programa at adbokasya ni Pangulong Rodrigo Duterte tulad ng “Build, Build, Build” para sa infrastructure development.

Ang lalawigan ng Pampanga ay balwarte ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagsisilbing President Emeritus ng Lakas-CMD.

Inihayag ni Gonzales na umaasa siyang magiging bukas ang BBM-Sara tandem sa kaniyang panukala na ipakilala ang makabuluhang pagbabago sa pulitika sa Saligang Batas para sa ikauunlad at pagsulong ng Pilipinas.

Si Gonzales ay kumakandidatong Kongresista sa ikatlo at huling termino kung saan wala siyang kalaban sa ikatlong distrito ng kanilang lalawigan.

Kumpiyansa si Gonzales na makakaya niya at ng iba pang mga lider sa Pampanga na ipanalo ang tandem nina BBM at Sara sa May 9 polls.